Pebrero 17, 1904 nang ipalabas ang play ni Giacomo Puccini na “Madame Butterfly” sa La Scala Theater, sa Milan, Italy.
Tampok sa dula ang kuwento ni B.F. Pinkerton, isang American sailor na pakakasalan ngunit aabandunahin si Cio-Cio-San, na ang palayaw ay “Butterfly”, isang Japanese geisha. Si Cio-Cio-San ay nabubuhay para sa pagmamahal, ngunit nasaktan.
Sa simula pa lang ng show ay nadismaya at nag-boo na ang mga manonood dahil sa foreign setting nito. Kaya binago ng kompositor ang musika matapos ang pagtatanghal, at kalaunan ay naging matagumpay ang palabas.
Binuo ni Puccini ang istorya noong 1900, habang siya ay nasa London at napanood ang isang one-act play na may kaparehong pangalan ngunit isinulat ng American playwright na si David Belasco. Matapos noon, nilikha ni Puccini ang operatic version ng dula sa loob ng dalawang taon.