Itinakda ng Commission on Elections (Comelec) sa Mayo 2-9 ang final testing at sealing ng mga Vote Counting Machine (VCM) na gagamitin sa halalan.
Salig sa Resolution No. 10057, ang mga miyembro ng Board of Election Inspectors (BEI) ay kailangang magtipun-tipon sa kani-kanilang presinto sa nasabing petsa para sa testing at sealing ng mga VCM.
Bago o pagsapit ng Abril 29, kinakailangang abisuhan ng Election Officer ang mga BEI, kandidato, rehistradong partido pulitikal, ang Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV), at mga organisasyon na kalahok sa party-list system kaugnay ng testing at sealing ng VCM.
Idinetalye rin sa resolusyon ang prosesong dapat sundin sa pagsasagawa ng testing at sealing.
Kaugnay nito, sa bisa ng resolusyon ay ginawa ring pormal ng Comelec ang oras ng botohan sa Mayo 9 -- mula 7:00 ng umaga hanggang 5:00 ng hapon. (MARY ANN SANTIAGO)