LIPA CITY, Batangas - Nabulabog ang mga opisyal ng Department of Education (DepEd) matapos umanong makatanggap ng text message hinggil sa umano’y bomb threat, mula sa hindi nakilalang suspek, sa Lipa City.

Ayon sa report ng Batangas Police Provincial Office (BPPO), nakatanggap ng text message ang isa sa mga division supervisor ng School Division Office sa Lipa, at nakasaad sa mensahe na may sasabog na bomba sa kanilang opisina na nasa Barangay 1 sa lungsod, dakong 10:49 ng umaga nitong Lunes.

Agad namang rumesponde ang mga awtoridad at nagsagawa ng inspeksiyon.

Nagpadala ng K-9 unit ang 740th Combat Group ng Philippine Air Force (PAF) sa lugar.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Dakong 4:30 ng hapon nang ideklarang ligtas sa bomba ang lugar, at kasalukuyan pang nagsasagawa ng imbestigasyon ang awtoridad para matukoy ang suspek sa pananakot. (Lyka Manalo)