Binigyan ng ayuda ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang 21 Pinoy health worker mula sa Kuwait na inisyal na benepisyaryo ng Assist WELL program ng Department of Labor and Employment (DoLE).

Ang programang Assist WELL (Welfare, Employment, Legal and Livelihood) ay para sa mga overseas Filipino worker (OFW) na babalik sa bansa, na ang unang nakinabang ay ang 21 Pinoy nurse, assistant nurse, at medical worker matapos itong ilunsad sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA) building sa Ortigas, Pasig City noong nakaraang linggo.

Prioridad ng programa na ayudahan agad ang mga umuwing OFW na sapilitang pinauwi dahil sa problemang pang-seguridad o pagbagsak ng ekonomiya ng bansang kanilang pinuntahan, o biktima ng kalamidad, epidemya at may iba’t ibang suliranin sa trabaho.

Personal namang nakasalamuha ng 21 Pinoy worker ang mga opisyal at kinatawan ng OWWA sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA), sa pakikipag-ugnayan ng Philippine Overseas Labor Office (POLO) sa Kuwait.

Libreng toll fee sa NLEX,SCTEX at iba pang expressway, ipatutupad sa Pasko at Bagong Taon

Inihayag naman ni OWWA Administrator Rebecca J. Calzado na dinala sa OWWA Center sa Pasay City ang 21 OFW, na ang walo sa kanila ay walang kaanak sa Maynila kaya pansamantalang manunuluyan sa OWWA Halfway Home bago tutulungang makauwi sa kani-kanilang probinsiya.

Magtatayo ang Assist WELL program ng one-stop-shop processing center upang matugunan agad ang pangangailangan ng mga OFW na uuwi sa bansa na ipagkakaloob naman ng DoLE at ng mga sangay nitong ahensiya, tulad ng OWWA, POEA, at National Reintegration Center for OFW (NRCO). (Bella Gamotea)