Nasa kustodiya ngayon ng Pasay City Police ang isang ama ng tahanan makaraang ipaaresto ng sarili niyang anak dahil sa panunutok ng baril sa huli habang sila ay naglalakad sa Pasay City, nitong Lunes ng hapon.
Kinilala ni Pasay Police chief Senior Supt. Joel Doria ang suspek na si Zosimo Penarila, ng No. 14 E. Rodriguez Street, Pasay City.
Dakong 3:30 ng hapon nang magtungo sa himpilan ng pulisya ang anak ng suspek na si Rachelle, 22, upang ireklamo ang panunutok ng baril ng ama sa kanya.
Agad inatasan ni Doria sina PO2 Gerryme Pelovilla at PO1 Scot Arcilla, ng Police Community Precinct 1 (PCP-1), upang imbestigahan ang reklamo ng biktima laban kay Penarila.
Ayon sa reklamo ni Rachelle, labis siyang natakot nang makitang may bitbit na .38 caliber revolver ang kanyang ama at bigla siyang tinutukan sa mukha habang naglalakad sila.
Naabutan ng mga pulis sa bahay si Penarila na hawak pa ang naturang baril, kaya agad itong dinisarmahan at inaresto.
Nahaharap ang suspek sa kasong illegal possession of firearms and ammunition at RA 7166 (Omnibus Election Code) sa Pasay Prosecutor’s Office. (Bella Gamotea)