LONDON (AP) – Ibinuhos ng film industry ng Britain ang Valentine’s Day love nito sa The Revenant nitong nakaraang Linggo, nang gawaran ang pelikula ng limang parangal, kabilang ang best picture at best actor, sa 2016 British Academy Film Awards (BAFTAs).
Mistulang tiniyak na ni Leonardo DiCaprio ang kanyang unang Oscar Awards trophy sa pagkakapanalo niya ng best actor sa BAFTAs para sa The Revenant. Best director si Alejandro G. Inarritu para sa tinagurian nitong “human and tender story”, at nanalo rin ng best sound at best cinematography ang pelikula.
Sa kanyang acceptance speech, sinabi ni Leonardo — na tatlong beses nang naging nominado sa BAFTAs ngunit hindi kailanman nanalo — na siya ay “absolutely humbled” na talunin sina Matt Damon (The Martian), Bryan Cranston (Trumbo), Michael Fassbender (Steve Jobs), at Eddie Redmayne (The Danish Girl).
Tinukoy niyang may malalaking impluwensiya sa kanyang pag-arte ang mga British actor na kinabibilangan nina Tom Courtney, Peter O’Toole, Daniel Day Lewis, at ang co-star niya sa The Revenant na si Tom Hardy. Binati at pinasalamatan din niya ang kanyang ina, na kaarawan nang araw na iyon, Valentine’s Day.
Ang BAFTAs, gaya ng Golden Globes, ay isang malinaw na pagsilip sa mga magwawagi sa Academy Awards ng Hollywood sa Pebrero 28. Para sa The Revenant, nakuha ni Leonardo ang kanyang ikaanim na Oscar nomination — at posibleng maiuwi na niya ang mailap na ginintuang tropeo sa pagkakataong ito.
Best actress sa BAFTAs si Brie Larson para sa pelikulang Room, best supporting actress si Kate Winslet (Steve Jobs) at best supporting actor si Mark Rylance (Bridge of Spies).