Pinanindigan ng Philippine Navy ang kahilingan na makuha ang kustodiya ni dating Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) director at Marine Lt. Col. Ferdinand Marcelino.
Ito ay sa kabila ng pagharang ng Philippine National Police (PNP) sa kahilingan ni Marcelino na idetine siya sa detention facility ng Navy o sa National Bureau of Investigation (NBI), sa katwirang hindi siya magandang pamarisan ng iba pang nagkasalang opisyal ng gobyerno na sangkot sa mga kaso ng droga.
Sinabi ni Navy spokesman Col. Edgard Arevalo na gagawin ng Navy ang lahat ng legal na paraan upang mailipat ang kustodiya kay Marcelino.
“Nabalitaan ko nga ‘yung ganung comment nila, so we are going to look into it. Ang precedence naman, hindi naman ‘yan ang ating basis. Ang atin ay legal basis, it may create a precedence but if it does, then kung ‘yun naman ang legal, ‘yun naman ang naayon sa batas, so be it. But we respect their position and they are entitled to that,” pahayag ni Arevalo.
Nang tanungin kung mayroon nang nangyari dati na kinuha ng militar ang kustodiya ng mga inakusahang opisyal ng militar, sumagot ang tagapagsalita ng Navy na, “I think there are, wala lang akong ready information ngayon kung sino but I think there are. Hindi naman bagong batas ‘yan. I’m sure in the past meron nang ganun kaya nga titingnan natin kung ano ‘yung ating legal remedy to exhaust para diyan.”
Naunang sinabi ng Navy na nakasandig ito sa mga probisyon ng Section 3c, Executive Order Nr. 106, series of 1937.
Nakasaad dito na ang AFP (Armed Forces of the Philippines) personnel na inaresto ng pulisya o ng iba pang law enforcement agencies sa diumano’y paggawa ng krimen ay dapat na isuko sa pinakamalapit na awtoridad ng AFP.
Binigyang diin ni Arevalo na iginagalang nila ang posisyon ng PNP, at kung ang pagpapahintulot na mailipat si Marcelino sa ibang detention facility ay susundan ng iba pa, “I think it should be respected kung maging precedent man siya.” Ito ang sagot ni Arevalo kasabay ng muling paggigiit na mayroong legal na batayan ang kanilang kahilingan. (Elena L. Aben)