Pilit na iipunin ni Filipino Japanese judoka Kiyomi Watanabe ang kailangan na Olympic Qualifying Points upang mapaangat ang kanyang ranking sa pagtatangkang makapasok sa 2016 Rio De Janiero Olympics sa Agosto 5-21.

Ayon kay Philippine Judo Federation (PJF) president Dave Carter, puspusan na ang pagsasanay ng 19-anyos na si Watanabe para sa mga nakatakda nitong lahukang torneo na may nakatayang Olympics ranking points.

“Kiyome needs to join and participate in as many tournaments under the International Judo Federation (IJF) sanction tournaments for her to improve her placings in the world ranking,” sabi ni Carter.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Una sa malalaking torneo na sasabakan ni Watanabe ang prestihiyosong Judo Grand Prix na idaraos sa Dusseldorf, Germany sa darating na Pebrero 19 hanggang 21.

Una nang iniulat ng PJF na nagtungo sina Watanabe at Kodo Nagano sa France para sumali sa World Judo Championships noong Pebrero 10. Ang torneo ay magsisilbing tune-up para sa Asian Judo Olympic qualifying sa Abril sa Tashkent, Uzbekistan.

Ang 2014 Asian Junior Judo champion na si Watanabe ay kakampanya sa 63kg. featherweight division habang ang 21-anyos na two-time SEA Games campaigner at Asian judo veteran na si Nagano ay sasabak sa 81kg. o light middleweight.

Nananatili sa Paris, France si Watanabe upang sumailalim sa matinding pagsasanay kasama ang ilang Japanese judokas bago tumulak patungong Dusseldorf sa Pebrero 17.

Pagkatapos sa Dusseldorf Grand Prix, sasabak agad si Watanabe sa Judo Grand Prix sa Georgia at Asian Judo Championship sa Tashkent, Uzbekistan.

Matatandaang nakasungkit si Watanabe ng gintong medalya noong 2015 Southeast Asian Games sa Singapore at 2013 Myanmar SEA Games.

Tanging si John Baylon pa lamang at pinakahuling Pinoy judoka na nakalahok sa Olympics noong 1988 sa Seoul, South Korea. (ANGIE OREDO)