Kobe Bryant

MVP si Westbrook, Kobe pinarangalan sa All-Star Game.

TORONTO (AP) — Nakasentro ang atensiyon kay Kobe Bryant, ngunit, hindi napigilan ng iba na magpakitang-gilas sa 2016 NBA All-Star Game na nagtala ng bagong marka at karangalan para kay Russel Westbrook, Linggo ng gabi (Lunes sa Manila) sa Air Canada Center dito.

Sa kauna-unahang All-Star Game na ginanap sa labas ng Amerika, naging madamdamin ang huling palabas nang pagkalooban ng ‘tribute’ ang four-time All-Star MVP at five-time NBA champion sa kanyang pagreretiro.

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

Ngunit, kung nag-uumapaw ang pagbabalik-gunita sa kahusayan ni Bryant, nalimitahan lamang siya sa 10 puntos, sapat para maagaw ni LeBron James – kumana ng 13 puntos – ang marka para sa may pinakamaraming puntos sa All-Star na may kabuuang 291. Nagretiro si Bryant na may 290 puntos.

Hataw si Russel Westbrook ng Oklahoma Thunder sa naiskor na 31 puntos para pangunahan ang West sa record-setting 196-173 panalo kontra sa East.

Isa sa inaasahang papalit sa maiiwang marka ni Bryant sa liga, nakamit ni Westbrook ang MVP award para sa ikalawang sunod na taon. Siya ang kauna-unahang player na nakagawa nito mula nang mapagwagihan ni Bob Pettit ang parangal noong 1958 at 1959 bilang co-MVP ni Elgin Baylor.

Nag-ambag si Stephen Curry ng 26 puntos, habang kumana sina Anthony Davis at Kevin Durant ng 24 at 23 puntos, ayon sa pagkakasunod.

Nanguna sa East si Paul George ng Indiana sa natipang 41 puntos at pantayan ang markang nailista ni Westbrook sa nakalipas na season sa New York -- isang puntos ang kakulangan sa record ni Wilt Chamberlain.

Tangan ng West ang 92-90 bentahe sa halftime, lagpas sa dating record na 89 sa break.

Magbabalik ang All-Star sa Amerika sa susunod na taon at sa kauna-unahang pagkakataon mula noong 1997, hindi na kasama si Bryant. Nag-debut sa Bryant noong 1998 All-Star sa New York, ang taon ng pagreretiro ni Michael Jordan sa Chicago Bulls.

Nag-ambag si Chris Paul ng 14 puntos at 16 assists, habang tumipa sina Toronto stars DeMar DeRozan ng 18 puntos, at Kyle Lowry na may 14 puntos at 10 assists.