LIMANG Briton, kabilang ang mga miyembro ng British indie band na Viola Beach, ang nasawi nang sumalpok sa barrier at bumulusok sa ilog malapit sa Stockholm, Sweden ang kanilang sinasakyan.
Nangyari ang aksidente nang bumangga ang sasakyang nirentahan ng mga biktima sa isang barrier na isinasara dahil tumataas ang drawbridge sa malapit, ayon sa tagapagsalita ng Stockholm Police na si Martin Bergholm. Pawang British ang mga biktima na edad 20-35.
Sa isang pahayag nitong Linggo, sa pamamagitan ng British Foreign Office, kinumpirma ng pamilya ng manager ng banda na si Craig Tarry na nasawi ang huli sa aksidente, kasama ang apat na miyembro ng banda na sina Jack Dakin, Tomas Lowe, River Reeves, at Kris Leonard.
Nagtanghal ang Viola Beach, na nakabase sa Warrington sa hilaga-kanlurang England, sa isang Swedish music festival nitong Pebrero 12 at nakatakdang mag-perform bilang front act ng Blossoms sa isang concert sa lungsod ng Guilford, ngunit sa isang pahayag ay sinabi ng music venue na nagdesisyon ang Blossoms na kanselahin ang gig nang mapag-alaman ang aksidente ng Viola Beach.
Iniimbestigahan na ng pulisya ang dahilan ng aksidente, ayon kay Bergholm, at sinabing madilim sa lugar at madulas ang kalsada.
“There were no brake marks on the road and it’s very difficult to say how fast the car was going at the time,” sabi ni Bergholm, at idinagdag na tinaya ng isang truck driver na nakasaksi sa aksidente na nasa 70-80 kph (43-50 mph) ang takbo ng sasakyan ng mga biktima bago ang aksidente. (Associated Press)