May kabuuang 75 siklista ang handa nang makipagtagisan ng tikas at husay sa pagsikad ng 7th Le Tour de Filipinas sa Huwebes sa Antipolo City-Lucena City stage.

Inorganisa ng Philippine Cycling Federation (Philcycling) at sanctioned ng International Cycling Union (UCI), ang mga kalahok ay mula sa tatlong lokal at 12 foreign teams.

Walang mahihirap na akyatin ang karera ngayong taon, ngunit matinding hamon para sa mga siklistang kalahok ang kabuuang distansiya na 704.34 kilometro.

Pangungunahan ang mga siklista ni Frenchman Thomas Leibas, ang defending champion mula sa Japan-based Bridgestone Anchor Cycling Team.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

“With an average stage distance of 175 km, this seventh edition of the Le Tour de Filipinas will showcase a lot of sprinting and will definitely bring out the best endurance riders in the field,”pahayag ni Donna Lina, presidente ng race organizer Ube Media Inc.

Kabilang din sa mga dayuhang koponang kalahok sa torneo na suportado ng Air21 ang Team Novo Nordisk (USA), Kinan Cycling Team (Japan), Terrenganu Cycling Team (Malaysia), Hsyport Look Cycling Team (China), Team Ukyo (Japan), Dutch Global Cycling Team (Holland), Vinno 4-Ever Sko (Kazakhstan), Attaque Team Gusto (Chinese Taipei), Skydive Dubai Pro Cycling Team (UAE), LX-IIBS Cycling Team (South Korea) at Oliver’s Real Food Racing (Australia).

Kabilang naman sa mga lokal na koponan na sasabak sa karera na suportado rin ng Petron, MVP Sports Foundation, Smart, Cargohaus, NMM, UFL, Philippine Airlines, Collab Printing Solutions, Autonation, Orangefix at Phenom, ang 7-Eleven SAVA RBP at Team Cebu Kopiko Philippines.

May distansiyang 153.53 kilometro ang Stage One mula Antipolo City hanggang Lucena City na susundan kinabukasan ng 204.82 Stage Two mula Lucena City hanggang Daet at babagtas sa mga lansangan ng Sierra Madre.

Pagkatapos nito, sunod na raratsada ang Stage Three mula Daet hanggang Legaspi City sa Albay na may distansiyang 185.79 kilometro bago ang pagtatapos ng karera sa araw ng Linggo sa 160.20 kilometrong pag-ikot ng dalawang beses sa paligid ng Mayon Volcano.

Magkakaroon ng traditional na ‘welcome ceremony’ bukas sa Hinulugang Taktak.

Magsisimula ang Stage One sa Sumulong Park sa harap ng Antipolo City Hall at ng Shrine of Our Lady of Peace and Good Voyage, ganap na 8:00 ng umaga. (MARIVIC AWITAN)