SA loob ng 12 oras noong nakaraang linggo—mula 9:00 ng gabi nitong Miyerkules hanggang 9:00 ng umaga nitong Huwebes—bumulwak ang tubig mula sa nabutas na pangunahing tubo ng Maynilad sa Ramon Mgsaysay Blvd. sa Sta. Mesa, Maynila. Nagmistulang ilog ang kalsada at binaha ang malaking bahagi ng lugar.
Inihayag ng Maynilad na agad na naisara ang mga isolation valve at mabilis na nasimulan ang pagkukumpuni nang bumagsak sa zero pounds per square inch ang water pressure. Ngunit biglang rumagasa ang tubig mula sa hindi natukoy na pinagmulan at isinara ng Maynilad ang mas maraming valve sa pangunahing tubo, kaya nawalan ng supply ng tubig ang may 200,000 katao sa Maynila, Las Piñas, Muntinlupa, Pasay, Parañaque, at Cavite.
Ang nasayang na tubig sa Sta. Mesa ay tinaya sa 3,000 cubic meters—katumbas ng 300 water tanker—kada oras.
I-multiply ito sa 12 oras o higit pa—ganun karami ang tubig na bumaha at nasayang sa mga kalsada sa Sta. Mesa noong nakaraang linggo.
Ang nasayang na tubig ay higit na nakapanghihinayang para kay Bulacan Gov. Wilhelmino Sy-Alvarado, na nagsabing ang tumapong tubig ay napakinabangan sana ng mga magsasaka sa Bulacan at Pampanga na hirap ngayon sa patubig dahil sa El Niño. Ang Angat Dam sa Norzagaray, Bulacan, ang pangunahing nagsu-supply ng tubig sa Metro Manila; ito rin ang nagkakaloob ng irigasyon para sa mga magsasaka sa rehiyon.
Suwerte na rin na nasira ang tubo sa Sta. Mesa sa panahong ito na sapat pa ang tubig sa Metro Manila. Kung nangyari ito ng tag-init, Marso at Abril, tiyak na magiging isang napakalaking kapabayaan ito.
Ngunit sakali man na hindi gaanong malaki ang atensiyon at pagkondena na tinanggap ng insidente, ang kinauukulang mga opisyal—sa gobyerno at sa pribadong concessionaire—ay dapat na mag-imbestiga sa nangyari, upang matiyak na hindi na mauulit ito.
Ayon sa mga residente sa lugar, ilang buwan na nilang napapansin ang pagtagas ng tubo bago pa napagdesisyunang kumpunihin ito. Matapos na maisara ang mga isolation valve at nasimulan ang pagsasaayos, rumagasa ang tubig mula sa hindi natukoy na pinagmulan, na nagdulot ng baha mula sa mistulang talon. At inabot pa ng 12 oras bago naipatigil ang pagbulwak ng tubig. Ito ay mga usaping teknikal na sumasalamin sa kakayahang pangasiwaan ang utility.