Kung maramot ang Philippine Tennis Association (PHILTA) kay dating tennis No. 1 Marian Capadocia, bukas-palad naman ang Amstelpark Tennis Academy sa The Netherlands para sa pagtulong sa kanyang pag-unlad sa sports.

Ang Amstelpark ang isa sa itinuturing na pamosong tennis academy sa mundo.

Sa letter of invitation ni Hugo Ekkor, Technical Director ng Amstelpark, inimbitahan si Capadocia at ang kanyang ama at coach na si Jose Capadocia na makiisa sa programa ng Academy para sa taong 2016.

“Nakatutuwang isipin na ‘yung mga foreign officials (na tunay namang nakakaintindi sa tennis) ay nag-aalok ng tulong para mas mapataas ang kaalaman ko sa sports, habang yung mga opisyal natin sa inaasahang dapat sumuporta sa mga atleta, ginagawa kaming kawawa,” pahayag ng 22-anyos na si Capadocia.

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

Matatandaang sa ikalawang pagkakataon, sa kabila ng pagpupursige ng dating SEA Games at FedCup campaigner na mapataas ang kanyang ranking points, ay muling ibinasura at hindi siya isinama ng PHILTA sa bagong talaan ng national team para mabigyan ng budget ng Philippine Sports Commission (PSC).

Sa rekomendasyon ni PHILTA grassroots director Romeo Magat, isinumite niya ang pangalan nina Bernadeth Balce, Maria Dominique Ong, Edelyn Balanga at Marinel Rudas bilang National Pool, habang nasa ‘priority list’ na tatanggap ng P40,000 allowances sa PSC sina Anna Clarice Patrimonio, Fil-German Katharina Melisa Lenhert, Denise Dy at Khim Iglupas.

Sa nakarang Peugeot Philippine Open na sanctioned ng PHILTA, tinalo ni Capadocia si Ong sa elimination, at ginapi si Iglupas sa finals, 6-0, 2-6, 6-0.

“Hindi ba, dapat the best of the best sa National Team? Para kay Mr. Magat, iba eh! Yung nananalo at may achievement wala sa team. Pero kung bata-bata ka niya, pasok ka sigurado,” sambit ng ina ni Marian na si Chat Capadocia.

Sa kabila nito, patuloy pa rin ang suportang ibinibigay ng PSC kay Capadocia at inaasahan nilang maayudahan din sila ng pamahalaan para sa kanyang paglahok sa Amstelpark.

“Sa totoo lang po, nahihiya na kami sa PSC at sa gobyerno dahil patuloy akong tinutulungan, pero hindi ako makalaro para sa Philippine Team dahil hindi naman ako isinasama ng Philta,” sambit ni Capadocia. (EDWIN G. ROLLON)