ISANG mahalagang araw sa buhay ng isang alagad ng sining ang kanyang art exhibit, na tinatampukan ng kanyang mga obra at ng pagpapahalaga niya sa sining. Isang magandang pagkakataon din ang art exhibit na makita, makilala, maibigan at umani ng papuri at paghanga ang obra mula sa mga may pagpapahalaga sa sining. At para naman sa mga art enthusiast at collector, isang pagkakataon ito na makapamili at bumili ng mga obra para maisama sa kanilang koleksiyon.

Sa Angono, Rizal, ang Art Capital ng Pilipinas, nitong Pebrero 14, Araw ng mga Puso, ay isang solo art exhibit ang binuksan. Ito ay sa kilalang pintor-iskultor na si Nemesio Miranda, Jr. na lalong kilala sa tawag na Nemiranda, Jr. Ang art exhibit, na nasa Atelier Restaurant-Nemiranda Art House, ay may pamagat na “Scent of a Mother”. Tampok dito ang 20 obra ni Nemiranda na may kaugnayan sa pagpapahalaga niya sa mga ina at sa pagmamahal sa kanilang mga sanggol.

May sukat na 19x 26, chalk pastel ang ginamit na medium.

Naging mga panauhin sa pagbubukas ng art exhibit sina Atty. Lutgardo “Lutz” B. Barbo, dating Pangulo ng Philippine Normal University at chief of staff ngayon ni Senador Aquilino “Koko” Pimentel III; at Dr. Lynlyn Miranda, isang doktor at artist sa Angono. Panauhin din ang mga miyembro ng Angono Ateliers, Rizal Artists Federation, Lakeshore Artists, at mga pintor sa Rizal at Metro Manila, tulad nina Efraim Samson at Kim Marcelo, at iba pang artists. Ang art exhibit ni Nemiranda ay isinabay sa pagdiriwang ng kanyang kaarawan.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Ayon kay Atty. Barbo, ang art exhibit ni Nemiranda. ay isang malinaw na katibayan na ang Angono ay Art Capital ng Pilipinas. At sa mga obra ni Nemiranda ay lalo pang pinatingkad ang pagiging Art Capital ng Angono, na sinilangan ng mga National Artist na sina Carlos “Botong” Francisco at Maestro Lucio D. San Pedro.

Kabilang sa 20 obra ni Nemiranda. na nasa art exhibit ay ang “Madonna with Orchids”, “Madonna with Palay”, “Breastfeeding”, “Madonna l”, “Breastfeeding Madonna II”, “Tampuhan”, “Madonna with Banana”, “Madonna with Santol”, “Madonna with Lansones”, “Madonna with Guyabano”, “Madonna with Kasoy”, “May Tinatanaw”, “Madonna with Papaya”, “Madonna with Mango”, “Kambal”, “Yakap”, at “Breast Milk”. Bukas ang art exhibit ni Nemiranda hanggang sa Marso 15.

Nakapaglunsad na ng may 60 art exhibit sa iba’t ibang bansa si Nemiranda. Ilan sa kilalang art work niya ay ang mural tungkol sa History of the Philippine Army, isang relief sculpture sa parade grounds ng Fort Bonifacio; ang EDSA Shrine Mural; at ang 20 relief sculpture ng Misteryo ng Holy Rosary, mula sa EDSA Shrine hanggang sa Antipolo Cathedral, na rito ay makikita rin ang kanyang painting tungkol sa Crucifixion at Resurrection ni Jesus Christ.

(CLEMEN BAUTISTA)