ANG Republika ng Lithuania ay matatagpuan sa hilagang Europe. Nahahanggan ito ng Latvia sa hilaga, sa silangan at timog ay naroon ang Belarus, sa katimugan ay Poland, at sa timog-kanluran ay naroon ang Kaliningrad Oblast, isang Russian exclave. Ang Vilnius, ang kabisera at pinakamalaking siyudad nito, ang sentro ng ekonomiya ng bansa, at isa sa pinakamalalaking sentro ng kalakalan para sa Baltic States.

Dalawang beses na nagtamo ng kalayaan ang Lithuania. Noong Pebrero 16, 1918, para sa bansa ay nilagdaan ng Council of Lithuania ang Act of Independence of Lithuania. Nanatiling malaya ang bansa hanggang 1940, nang maging bahagi ito ng Soviet Union. Matapos mapasailalim sa Soviet Union sa loob ng halos 50 taon, muling naibalik ang kalayaan ng Republika ng Lithuania noong 1990.

Ipinagdiriwang ng mamamayan ng Lithuania ang Pebrero 16 bilang Araw ng Kalayaan ng bansa sa pamamagitan ng enggrandeng selebrasyon. Iba’t ibang masasayang pagdiriwang ang inoorganisa sa mga pangunahing siyudad. Nagdaraos ng mga pagtatalumpati sa publiko, nagsasagawa ng mga parada, at nagtatampok din ng iba pang aktibidad na pinangangasiwaan ng estado. Sa Vilnius, ang mga pampublikong pagtatanghal ay isinasagawa sa Lithuanian National Opera and Ballet Theater at mayroon ding mga libreng konsiyerto na mapapanood sa Cathedral Square, ang pangunahing liwasan ng Vilnius Old Town, sa harap ng neo-classical na Vilnius Cathedral.

Nananatiling masigla at diplomatiko ang ugnayan ng Lithuania sa ilang bansa, kabilang na ang Pilipinas. Noong Setyembre 16, 1991, kinilala ng Pilipinas ang Lithuania, at ang ugnayang diplomatiko ng dalawang bansa ay pinagtibay noong Disyembre 15, 1991. Kasapi ito ng iba’t ibang pandaigdigang organisasyon, gaya ng United Nations, ng Organization for Security and Cooperation sa Europe, ng North Atlantic Treaty Organization, ng Council of Europe, at ng Baltic Council. Ang pagkakabilang nito sa World Trade Organization noong 2001 at sa European Union noong 2004 ay nagbunsod sa mas malayang pagkilos sa paggawa at kalakalan; na nakapag-ambag sa mahalagang pagpapasigla sa ekonomiya ng bansa sa nakalipas na dekada; at nagbunsod ng pag-unlad sa bansa, kaya naman sumipa rin ang industriya ng turismo at outsourcing.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Binabati namin ang gobyerno at mamamayan ng Lithuania, na pinamumunuan nina President Dalia Grybauskaite at Prime Minister Andrius Kubilius, sa pagdiriwang ng ika-98 Anibersaryo ng kanilang Kalayaan.