TORONTO (AP) – Sa pagkakataong ito, mas matatag ang pulso ni Klay Thompson laban sa kasanggang si Steph Curry sa kahanga-hangang duwelo ng tinaguriang “Splash Brothers” ng Golden State Warriors.
Tinanghal na NBA three-point shooting king si Thompson sa iskor na 27 puntos, tampok ang perpektong limang ‘money ball’ sa huling rack para maagaw ang korona kay Curry na umsikor ng 23 puntos.
“Back-to-back years for Splash Brothers, it’s pretty cool,” pahayag ni Thompson.
Nanguna si Thompson sa eight-man preliminaries sa naisalpak na 22 puntos, habang nakaiwas si Curry sa playoff nang maibuslo ang huling ‘money ball’.
Naglaban sa playoff sina Phoenix Suns rookie Devin Booker, James Harden ng Houston Rockets, at JJ Redick ng LA Clippers matapos magtabla na pawang may 20 puntos. Nakaungos ang teen rookie sa naiskor na 16 na puntos sa shootout laban kina Redick (9) at Harden (8).
Sumabak din sina Toronto’s Kyle Lowry (15), Portland’s C.J. McCollum (14), at Milwaukee’s Khris Middleton (13), ngunit napatalsik sila sa tiebreaker.
Sa naitalang 19 of 25 shot sa final round, napataas niya ang 18-for-25 sa first round at kung pagsasamahin, nailista niya ang kahanga-hangang 37 of 50 sa three-point para sa mataas na 74 porsiyento.