Mayor Duterte by Alex Lopez

Nina AARON RECUENCO at BETH CAMIA

LEGAZPI CITY - Hindi interesado si Liberal Party standard bearer Mar Roxas na patulan ang kanyang katunggali sa pagkapangulo na si Davao City Mayor Rodrigo Duterte sa hamon nitong ipakita muna niya kanyang “sandata” bilang pruweba na “nahasa na” ito bilang kapalit ng pagsasapubliko ng alkalde ng medical records nito.

“Wala akong panahon sa mga walang kuwentang bagay tulad n’yan,” pahayag ni Roxas sa hamon ni Duterte.

National

Ofel, mas humina pa habang nasa vicinity ng Gonzaga, Cagayan

Sa halip, iginiit ni Roxas na magpatalbugan na lang sila ni Duterte sa aspeto ng plataporma na mag-aangat sa antas ng buhay ng mga Pinoy na karamihan ay lubog pa rin sa kahirapan.

Subalit pinanindigan pa rin ni Roxas ang kanyang panawagan sa mga kandidato sa pagkapangulo na ilantad ang kani-kanilang medical records upang masuri ng mamamayan kung sino sa kanila ang may kakayahang pamunuan ang bansa.

Ito ay matapos makaranas ng migraine at bronchitis si Duterte nitong Huwebes, dalawang araw makaraang opisyal na magsimula ang kampanya, dahilan upang isugod siya sa Cardinal Santos Medical Center sa San Juan City upang sumailalim sa obserbasyon.

“Dapat ipakita muna ni Roxas na tuli na siya,” matatandaang hamon ni Duterte kay Roxas, kapalit ng pagsasapubliko ng medical records ng alkalde.

Samantala, inakusahan din ng kampo ni Roxas si Duterte ng pagtatago sa katotohanan nang itanggi ng huli na isinugod ito sa ospital nitong Huwebes ng gabi.

Ito ay matapos igiit ni Lito Banayo, political adviser ni Duterte, na hindi isinugod ang alkalde sa CSMC at sa halip ay umuwi lang sa Davao City upang makapagpahinga.