DALAWANG linggo na ang nakalilipas, inihayag ng tropa ng 61st Division Reconnaisance ng Philippine Army na nakikipaglaban sila sa armadong kalalakihan sa Maguindanao at pinaniniwalaang mga miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) ang mga ito. Nagsimula ang paglalaban sa bayan ng Datu Salibo na kalaunan ay lumipat sa Datu Saudi Ampatuan.

Ayon sa isang military source, ang mga armado na inakala nilang nagmula sa BIFF ay mga miyembro pala ng Moro Islamic Liberation Force (MILF). Ngunit sa isang nalathalang ulat, sinisi ng tagapagsalita ng MILF ang mga sundalo sa hindi pakikipag-ugnayan sa MILF sa pagtugis ng huli sa BIFF sa teritoryo ng MILF.

Mistulang may problema sa intelligence sa mga operasyon ng militar ngayon. Sa Mindanao sa kasalukuyan, isang kasunduang pangkapayapaan ang dapat na ipatutupad sa pagitan ng gobyerno ng Pilipinas at ng MILF. Mga kasapi ng BIFF ang kalaban ng sundalo ng Army; kaya naman ganun na lang ang kanilang pagkasorpresa nang matuklasan nila, sa kasagsagan ng laban, na MILF na ang kalaban nila ngayon.

Nangangahulugan bang napasok ng militar ang teritoryo ng MILF sa pagtugis BIFF at gumanti ng putok ang MILF? O, gaya ng pinangangambahan ng isang military source, ang puwersa ng kaaway ay binubuo ng mga miyembro ng dalawang grupo?

Magugunita sa kalituhang ito ang labanan sa Mamasapano noong Enero 2015, nang masukol ang mga operatiba ng Special Action Force ng armadong kalalakihan, na ang ilan ay mula sa MILF, habang ang ilan ay mula naman sa BIFF, bukod pa sa ilang miyembro naman ng mga private armed group.

Ngayong nag-adjourn na ang Kongreso nang hindi inaaprubahan ang Bangsamoro Basic Law (BBL), na lilikha sana sa Bangsamoro Autonomous Region, pinangangambahang muling sumiklab ang paglalaban sa lugar. Nangako ang MILF na ipagpapatuloy ang pagsisikap para sa kapayapaan, ngunit, gaya ng nakita sa mga labanan noong nakaraang linggo sa Datu Salibo at Datu Saudi Ampatuan, nagpapatuloy ang mga paglalaban sa harap ng matinding kalituhan sa militar sa kung sino ba talaga ang tunay na kaaway.

May agarang pangangailangan para sa panibagong pagsisikap upang makipagdiyalogo sa MILF at kung kinakailangan ay lumikha ng bagong kasunduan, nang wala ang mga probisyon na tinanggihan ng mga senador. Ang mahalaga ay makipag-usap sa BIFF, posibleng sa tulong ng MILF, dahil mistulang iisang kumikilos ang dalawang grupo bilang magkasangga.