Marian Capadocia
Marian Capadocia

Ni Edwin G. Rollon

Personalan at hindi na para sa bayan ang isinusulong ng pamunuan ng Philippine Tennis Association (PHILTA) para sa national team na inihahanda para sa iba’t ibang torneo sa abroad.

Ito ang malungkot na pananaw ng pamilya ni dating Philippine No.1 Marian Jade Capadocia matapos na balewalain ng PHILTA, sa pamumuno ni tennis sports development director Romeo Magat, ang record at achievement ng 22-anyos na veteran internationalist.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

“Since nang alisin siya sa national team last year, nagpatuloy lang si Marian (Capadocia) sa paglalaro sa mga tournament na sanctioned ng Philta at may katumbas na ranking point. Maganda ang resulta, actually nag-champion pa siya, pero balewala pala ito sa kanila,” pahayag ni Chat Capadocia, ina ni Marian.

Sa pinakabagong line-up ng Philippine Team na isinumite ni Magat sa Philippine Sports Commission (PSC) nitong Enero 8, 2016, ikinalungkot ni Capadocia na muli na naman siyang inisnab ng PHILTA.

“Parang hindi na ito para sa bayan, personalan na kasi, pangigipit na itong ginagawa sa akin ni Mr. Magat,” sambit ni Capadocia, miyembro ng RP team na sumabak sa Fedup at SEA Games sa ilang pagkakataon.

“Basta bata nila, walang problema. Yung tulad kong hindi nila mahawakan sa leeg ginigipit nila para magmukha kaming kawawa,” aniya.

Kabilang sa bagong line up sa women’s team sina Bernadeth Balce, Maria Dominque Ong, Edelyn Balanga at Marinel Rudas. Kasama naman sa ‘priority list’ na tatanggap ng P40,000 monthly allowances sa PSC sina Anna Clarice Patrimonio, Fil-German Katharina Melisa Lenhert, Denise Dy at Khim Iglupas.

Sa ginanap na Peugeot Philippine Tennis Open Manila leg, tinalo ni Capadocia si Ong sa elimination at dinurog si Iglupas, 6-0, 2-6, 6-0.

“I beat the best of them. Pati yung priority athlete ni Mr. Magat tinalo ko. Yet, hindi ako kasama sa team. Parang walang hustisya,” pahayag ni Capadocia.

“Hindi po ba sa National Team dapat yung best of the best? Sa sitwasyon ko, at sa nais ng Philta, hindi yata tama,” aniya.

Iginiit ni Mrs. Capadocia na personal na ang atake ni Mr. Magat sa kanyang anak matapos nilang tanggihan ang plano nitong mag-ensayo lang sa Pilipinas at iwan ang scholarship grant na nakuha nila sa ibang bansa.

“Ang rason namin, wala namang problema kahit nasa abroad si Marian pag sa RP Team na sama siya sa tournament. Yung ibang player naman ganoon din. Nakabase nga sa US yung iba pero hindi niya sinisita,” aniya.

“Bukod doon, ayaw niya kaming makipag-usap sa PSC, karapatan namin yun bakit kami hahadlangan.”

Matapos alisin sa line-up noong Oktubre ng nakalipas na taon, nakiusap si Capadocia sa PSC para masustinihan ang pagsasanay nito at dahil sa magandang record at tiwala ng gobyerno, binigyan umano si Marian ng allowances ng PSC magpahanggang-ngayon sa pag-aakalang makakasama siya sa susunod na RP Team.

“Ginagastusan ng bayan si Marian, kaya nakakahiya sa ating mga kababayan na hindi naman makapag-ambag si Marian dahil ayaw siyang isama sa team,” sambit ni Mrs. Capadocia.

Sinabi ni PSC Executive Director Guillermo Iroy, Jr. na tuloy ang suporta ng ahensiya kay Capadocia, ngunit sila man ay naguguluhan sa ikinikilos ng Philta kung kaya’t hihilingin nila ang pakikipagpulong dito.

“Kailangan nating malaman ano ang problema. Siyempre Philta ang may karapatan sa pagbuo ng team, pero kami sa PSC ang nagbibigay ng pondo. Kaya may jurisdiction din kami na magtanong. Bakit yung top player natin hindi kasama sa team? Hindi ba record at achievement ang basehan? Kung may ginawang hindi tama yung player dapat informed din kami para aware kami,” sambit ni Iroy.

Hindi nakuhanan ng bagong pahayag si Magat, ngunit sa naunang panayam dito, sinabi niyang napapabayaan ni Capadocia ang tungkulin sa National Team sa pagsali nito sa US Tour.