Ni Marivic Awitan
Umani ng samu’t saring opinyon mula sa basketball fans at opisyal ang ‘expressway’ na desisyon ni PBA Commissioner Chito Narvasa na patawan ng “banned for life” sa liga si Talk ‘N Text import Ivan Johnson.
Kamut-ulo si TNT team manager Virgil Villavicencio nang ipabasa sa mga mamamahayag ang text message ng hindi niya pinangalanang ‘big boss’ ng koponan kung saan kinukuwestyon ang anila’y “walang due process” na desisyon.
“Why ban a player for life without due process? We’re talking about careers being affected,” sambit ng TNT boss.
“Whatever the decision is, dapat due process,” pahayag ni Villavicencio.
Napatalsik sa laro si Johnson matapos tawagan ng technical foul sa second period.
Sa isang pagkakataon, nagkaroon ito ng pakikipagtalo kay Narvasa at ang umano’y bastos na pananalita nito ang nagtulak sa PBA Commissioner na patawan ito ng multang P250,000 at banned for life sa kabila ng kabiguang ipatawag ang naturang import sa isang pagpupulong para magpaliwanag sa kanyang aksiyon na karaniwang pinagdadaanan nang anumang isyu sa liga.
Sising-alipin naman si Johnson sa kaganapan at kaagad itong humingi ng paumanhin kay Narvasa at sa mga tagahanga ng Texters.
“I do want to sincerely and most humbly apologize to commissioner Narvasa for my action’s in last night’s game,” pahayag ni Johnson sa kanyang Facebook account at Twitter page.
“I ask that you forgive me. Thank you,” aniya.
Inamin niyang, nakakababa ng morale ang kanyang aksiyon.
“This lifetime ban is truly unfortunate and devastating to be being that I feel at home and most welcomed when I am here playing in the Philippines,” aniya.
Nakakuha rin siya ng simpatiya at negatibong aksiyon mula sa netizens.
Matapos ma-eject kasunod ng kanyang ikalawang technical foul sa second period ng laban pagkaraan ng isang flagrant 1 foul kay Bolts big man Bryan Faundo, minura at pinagsalitaan umano ni Johnson nang hindi maganda si Narvasa bago ito lumabas ng court.