Nakabasag na rin sa winner’s column ang University of Santo Tomas nang padapain ang bokya pa ring University of the East , 25-21, 26-24, 25-18, kahapon sa men’s division ng UAAP Season 78 volleyball championship sa San Juan Arena.

Nagtala ng 16 na puntos si Manuel Andrei Medina, tampok ang 10 hits at 5 service ace habang nagdagdag naman si Tyrone Jan Carodan ng 12 puntos, kabilang ang 10 digs at isang service ace para sa unang tagumpay ng Tigers matapos mabigo sa unang dalawang laro.

Nakatulong sa nasabing panalo ng UST ang tamang timpla sa service play kung saan nagposte sila ng 8 ace kumpara sa 3 ng Red Warriors at nakaungos din sa spikes, 34-26.

Nag-iisa namang tumapos na may double digit para sa UE si national team mainstay Edward Camposano na nagtala ng 12 puntos, kabilang ang 7 hits, 4 na blocks at isang service ace.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Matapos makipagdikdikan sa second set sa pamumuno ni Camposano, tila naubusan ng hangin ang Red Warriors sa third frame at tuluyang isinuko ang laban sa rookie-laden Tigers. (MARIVIC AWITAN)