TORONTO (AP) — Minsan nang pinangarap ni Shaquille O’Neal na matularan ang dominasyon ng “bigmen” stars tulad nina Wilt Chamberlain, Bill Russell, at Kareem Abdul-Jabbar.
Ngayon, nakatakda niyang samahan ang tatlong basketball legend sa Hall-of-Fame.
Napili si O’Neal, gayundin si Allen Iverson bilang finalist nitong Biyernes (Sabado sa Manila), para mailuklok sa Naismith Memorial Basketball Hall of Fame.
Makakasama nila si dating Houston Rockets star Yao Ming sa seremonya na gagawin sa Springfield, Massachusetts sa Setyembre. Hindi na dumaan sa proseso si Yao matapos itong inomina ng Hall’s International Committee.
Bukod sa tatlo, kasama ring pararangalan sina dating Phoenix Suns point guard Kevin Johnson, college coaches Tom Izzo, Bo Ryan, Lefty Driesell, Eddie Sutton, at Muffet McGraw; gyundin sina women’s superstar Sheryl Swoopes, longtime referee Darrel Garretson, high school coaches Leta Andrews, at Robert Hughes, 10-time AAU national champion Wayland Baptist University, at John McClendon, ang first African-American coach sa professional league.
Ipakikilala ang 2016 Class sa Abril 4 sa Houston bago ang NCAA championship game, habang ang enshrinement ceremonies ay gaganapin sa Setyembre 9.