SA susunod na buwan ay bibisita sa Pilipinas ang pangunahing nagsusulong sa mundo ng pagkilos laban sa climate change, si dating United States Vice President Al Gore, bilang bahagi ng pandaigdigang pagsisikap niya upang himukin ang mga gobyerno at mga bansa na talakayin ang mga seryosong usaping pangkalikasan na dulot ng pag-iinit ng mundo o global warming.
Magtutungo sa bansa si Gore, nagtatag ng dalawang activist organization na bumuo sa Climate Reality Project, upang sanayin ang isang grupo ng “climate reality leaders” na magtuturo naman sa kani-kanilang komunidad tungkol sa matitinding epekto ng climate change. Inaasahang ang kanyang pagbisita ay magsisilbing inspirasyon sa mga Pilipino upang mamulat sa bantang hinaharap ngayon ng mundo dahil sa mabilis na pagkatunaw ng polar ice at pagtaas ng karagatan, pagtindi ng pananalasa ng mga bagyo at baha, at iba pang matitinding kalamidad.
Sinabi ng mga kasapi ng House Special Committee on Climate Change, na pinangunahan ni Rep. Martin Romualdez ng Leyte, na pinakamatinding sinalanta ng super-typhoon ‘Yolanda’ noong 2013, na umaasa silang sa pagbisita ni Gore ay kikilos ang gobyerno ng Pilipinas upang bumuo ng isang estratehiko at pangmatagalang plano para sa paglipat sa malinis na enerhiya.
Nakikiisa ang gobyerno ng Pilipinas sa iba pang mga bansa sa pagtalima sa mga layunin ng 21st Conference of Parties (COP21) sa Paris, France, noong Disyembre, partikular na ang paggamit ng renewable energy sa halip na paganahin ang mga planta ng fossil-fuel, na ang ibinubuga ay responsable sa pagtaas ng pandaigdigang temperatura at climate change.
Gayunman, nitong Enero ay pinangunahan ni Pangulong Aquino ang inagurasyon ng isang bagong coal-fired power plant sa Davao City. Sinabi ng Department of Energy na sa halos 5,000 megawatts ng kuryente na pinaplanong likhain sa susunod na limang taon, mahigit 70 porsiyento ng mga bagong planta ng kuryente ay coal-fired. Mistulang hindi pa tayo patungo sa direksiyon ng renewable energy, gaya ng ipinangako natin sa Paris na ating gagawin.
Totoong marami tayong mga renewable energy project sa bansa—kabilang na ang mga wind power project sa Northern Luzon, mga geothermal plant sa Visayas, at pagkakaroon ng mga solar power generating center sa loob at labas ng Metro Manila. Ngunit mukhang isolated projects lang ang mga ito, kaysa isang malawakang programa na suportado ng gobyerno.
Umaasa tayo na ang pagbisita ni Gore sa susunod na buwan ay makatutulong upang mabigyan ng inspirasyon ang ating mga pinuno upang kumilos at tumupad sa commitment na ginawa natin sa Paris para tuluyan nang iwasan ang paggamit ng fossil fuels—coal, gas, at oil—at makalikha tayo ng sarili nating natural at renewable power resources.
At dahil nasa gitna tayo ng kampanya para sa eleksiyon ngayong taon, nananawagan tayo sa mga kandidato sa pagkapangulo na magkaroon sila ng programa para sa paglikha at paggamit ng renewable energy, sinuman ang maihalal sa kanila sa Mayo.