NEW YORK (AFP) – Inalok ni “bad boy” pharmaceutical chief Martin Shkreli si Kanye West ng $10 million para magkaroon ng karapatan sa bagong album ng rap star.
Sa isang liham na ibinahagi sa Twitter nitong Huwebes, na hindi pa sinasagot ng music celebrity, sinabi ni Shkreli na hiniling niya kay West, “(to)sell this recording solely to me.”
Nakapaloob din sa liham na si West “(would) find this financial arrangement more attractive than your current course of action,” ngunit hindi siya nagbigay ng paliwanag.
Sinabi ni Shkreli, ang kontrobersiyal na dating pharmaceuticals boss, na siya ay “a tremendous fan” ni West sa loob ng maraming taon.
Dagdag pa niya sa tweet, “Kanye and his label are legally required to take my offer letter to their Board of Directors.”
At sa isa pang tweet, sinabi niya na, “The point is NOT to keep music from people, it’s to remind everyone how important and central it is in our lives.”
Isinapubliko ni West ang mga awiting nakapaloob sa kanyang album, na may titulong The Life of Pablo, sa isang event noong Huwebes sa New York’s Madison Square Garden. Ito ay pormal na inilabas nitong Biyernes , ayon sa tweet ni West, na nagsabing nagdagdag siya ng mga awitin sa album.