arci copy

NAPAKASAYA ng presscon ng Always Be My Maybe, walang ginawa ang entertainment press kundi magtawanan sa mga sagot ng cast na sina Gerald Anderson, Aahron Villena, Kakai Bautista, Jane Oneiza at Arci Muñoz.

 

Nang una kasi naming marinig sumagot si Arci sa finale presscon ng Pasion de Amor ay medyo na-off kami dahil para siyang tambay sa kanto kung sumagot kumpara kina Coleen Garcia at Ellen Adarna na kahit may pagkabarubal ay may class pa rin.

ALAMIN: Mga dapat malaman at gawin upang maging ligtas sa ‘tsunami’

Pero naaliw kami kay Arci sa presscon ng Always Be My Maybe dahil wala pala talaga siyang pretentious.

 

Puring-puri niya si Direk Dan Villegas dahil, “In a very short span ang dami kong natutunan, everytime na ididirek kami ni Direk, he always asks for our opinion. Kunwari nasa script din, (tanong ni direk) ‘sa tingin mo ba gagawin mo ito sa totoong buhay?’ sagot ko, ‘hindi, ah, bakit ko gagawin ‘yan? So, may inputs din kaming naibibigay, kasi ang gusto ni Direk, magmukha siyang makatotohanan.

“Like ganito, nag-uusap lang tayo, ganyan, walang arte, kaya everytime na may sinu-shoot kami, huwag muna kayong umarte, shot muna kayo,” humalahak na kuwento ni Arci na ikinaloka ni Gerald.

 

Paliwanag agad ni Arci, “Isang beses lang ‘yun, para maging mukhang totoo, kasi bar talaga ‘yung eksena.”

 

“Hala,” hirit ni Gerald, “at gusto pa niya Tequilla.” 

 “Gin kaya ininom ko,” pagtutuwid ni Arci, “Ginebra, hayun, may bote pa po, technique lang at once lang po nangyari. At saka natural siguro talaga ‘yung gusto ni Direk na atake namin sa eksena.”

 

Calendar girl kasi ng Ginebra si Arci kaya itinuwid niya ang sinabi ni Gerald.

 

At dahil nakainom nga si Arci, ang ganda ng lumabas na eksena sa bar na base rin sa trailer at talagang nakakatawa.

 

“Dapat talaga mayroon kayong good communications, hindi lang sa artista kundi sa writers din at cooperation and as a team talaga kapag kumilos kayo para maganda ‘yung kalalabasan at hindi lang ‘yung opinion namin ang tinatanong kundi lahat ng tao (sa set) ay tinatanong din ni Direk, kaya sigurado lahat makaka-relate rito,” kuwento pa ni Arci.

 

Ang bilis ng pagtaas ni Arci, leading lady na kaagad siya sa Always Be My Maybe. Napanood siya as support sa A Second Chance -- ang architect friend ni John Lloyd Cruz na may gusto sa kanya, sa Etiquette for Mistresses bilang bagong mistress ni Eddie Gutierrez na kapalit ni Claudine Barretto at sa Felix Manalo naman ay bilang si Tomasa Sereneo.

 

Dream come true para kay Arci na makatrabaho si Dan Villegas.

 

“It’s actually a dream come true, yes, Direk. Gusto kong maging part of his works, sobra, para makasama ako. Ako nga na-surprise nu’ng pini-pitch nila ako for the movie, sabi ko nga sa kanya, sigurado po ba kayo, ako po ba talaga. Sabi nga ni Direk, ‘ano gusto mo ba?’

 

“Kaya ang sagot ko sa kanya, ‘kayo po, gusto n’yo po ba ako? Sigurado po ba kayo?’ Kasi hindi talaga ako makapaniwala, shocks din talaga, ang bilis, iyon kaagad ‘tapos ilang araw lang nag-look test na kaagad kami at doon ko nakita na sobrang kalmado niya, chill lang siya. So it’s a dream come true, I’m thankful, I’m grateful, and I don’t know how to thank you enough. Di ba kasi para sa amin, itong generation na ito, so para makatrabaho ‘yung ka-generation, ha-ha-ha, makaka-relate talaga, very exciting, very excited ako. Kaya ngayong patapos na kami, we just can’t wait to show you guys what we work hard for the past few months,” humalakhak na kuwento ni Arci.

 

Sa tanong kung kailan nagiging ‘maybe’ lang ang love?

 

“For me, hindi ‘maybe’ in my case, I don’t think so. For me kasi, if love is a maybe, it’s not really love, it’s just infatuation. Because if it’s love, di ba, you are certain, dapat sigurado ka (sabay baling kay Gerald). Kung makikipagrelasyon ka dapat makikipag-commit ka, buung-buo mo ibibigay ‘yun, di ba? Hindi ‘yan installment, di ba? Ang love, deep ‘yan, very strong word, ha-ha-ha,” nanunuksong sagot ni Arci sabay tingin ulit kay Gerald.

 

Kaya nag-react si Gerald, bakit daw sa kanya nakatingin ang dalaga at relate na relate raw siya.

 

“Kaya nakaka-relate kasi may ganu’n tayong eksena,” tumatawa uling sagot ni Arci na parang nakainom sa ingay. “So, iyon nga po, ‘pag in love ka, there’s never a maybe!”

 

Masyadong hyper si Arci sa presscon at mukhang epekto pa yata ito ng kawalan ng tulog (galing pa sila ng shooting bago tumuloy sa presscon).

 

Ibinuking tuloy ni Gerald na sa eksena nila sa isang restaurant habang nag-uusap ay biglang dumukdok si Arci at nakatulog, kaya hindi niya alam ang gagawin kung itutuloy niya ang sinasabi kasi nga nakatulog na ang kaeksena niya.

 

Katwiran naman ni Arci, sobrang pagod siya at segue-segue siya sa Pasion de Amor kaya hindi na niya namalayang nakatulog na pala siya.

 

Mabuti na lang daw nu’ng ginising si Arci ay hindi naman siya nagwala dahil ang tanong niya, “Anong nangyari? Asan ako?”

 

“First time ko pong ma-experience na tulugan ako ng kapartner ko sa pelikula,” seryoso pero ‘kaaliw na sabi ni Gerald.

 

So kaya siguro pinapa-shot muna si Arci para magising o ma-hyper at hindi kaagad ma-lowbat.

 

Mapapanood na ang Always Be My Maybe sa Pebrero 24 nationwide handog ng Star Cinema, sinulat nina Jancy E. Nicolas, Patrick R. Valencia at Pertee Brinas. (Reggee Bonoan)