IPINAGDIRIWANG ngayon sa mundo ang St. Valentine’s Day. Partikular na ginugunita ng Simbahang Katoliko ang Araw ng Kapistahan ni San Valentino, sa pamamagitan ng mga misa at novena. Ang pari at Romanong Martir ang patron ng mga magpapakasal, masasayang pagsasama ng mag-asawa, pag-ibig, umiibig, at kabataan, bagamat kilala rin ito bilang patron ng mga nag-aalaga ng bubuyog, mga taong may epilepsy at nawawalan ng malay, ng epidemya, at ng mga manlalakbay.
Ang pagiging romantiko ng araw na ito ay matutunton sa Middle Ages, noong pinaniniwalaan na nagtatalik ang mga ibon tuwing kalagitnaan ng Pebrero. Gayunman, naniwala ang 18th-century English antiquarians na sina Alban Butler at Francis Douce na nilikha ang Valentine’s Day upang gawing Kristiyano ang paganong kapistahan ng pag-aanak ni Lupercalia. Bagamat ang eksaktong pinagmulan ng selebrasyon ay hindi napagkakasunduan ng lahat, nananatiling kinikilala ang St. Valentine’s Day bilang araw ng pagmamahalan, romansa, pag-ibig, at debosyon.
Ang nakaugaliang pagpaparating ng pagbati para sa Araw ng mga Puso ay sinasabing nagsimula noong kalagitnaan ng ika-18 siglo nang nagpalitan ng mga sulat-kamay na pagbati ang magkakaibigan at mga nag-iibigan. Ang pinakamatandang Valentine card ay masisilayan sa British Museum, habang ang pinakamatandang tula para sa Araw ng mga Puso, na sinulat ni Charles, Duke of Orleans, noong 1415 para sa kanyang asawa, ay nasa koleksiyon ng British Library. Ang pamimigay ng mga bulaklak tuwing Araw ng mga Puso ay pinaniniwalaang naganap sa kaharian ng Pranses na si King Henry IV noong ika-17 siglo.
Sa modernong panahon ngayon, naging malikhain na ang mga tao sa paggamit ng teknolohiya. Nariyan ang mga nagpapadala ng pre-designed electronic cards mula sa iba’t ibang website na binabago na lang ang mensahe. Nariyan din ang mga may kakayahan para gamitin ang teknolohiya sa paglikha ng sarili nilang electronic greetings, binibigyang-diin ang mga natatanging alaala na taglay ng mga litrato o mga video sa pagsasama-sama ng mga ito upang makalikha ng slide presentation o kaya naman ay pelikula para sa kanilang minamahal. Mayroon ding hindi nakalilimot na magpadala ng mga sulat-kamay na liham o pagbati, na nasa mabangong stationery, o sa mga handcrafted o biniling card. Bukod sa pagpapadala ng mga pagbati, nagpapalitan din ang mga tao ng mga regalo sa paraan ng mga bulaklak, tsokolate, alahas, ticket sa konsiyerto, pre-booked dinner date sa isang hotel, o weekend get-away sa isang kilalang resort, bilang pagpapahayag ng pagmamahal, pag-ibig, at pasasalamat.
Paano man natin ipagdiwang ang Araw ng mga Puso, huwag sana nating kalimutan ang tunay na diwa ng okasyon: Ang selebrasyon ng pagmamahal. Ang lalim at sinseridad ng ating pagmamahal at pag-ibig ay hindi masusukat sa presyo ng regalo na ating ipagkakaloob. Pinakamahalaga kung paano napapanatili at naipapahayag ang ating pagmamahal sa buong taon; kung paano ito naipadadama sa mga simpleng gawin sa laging paglalaan ng oras sa ating mga mahal sa buhay; at sa paulit-ulit na pagpapadama sa kanila ng ating pag-aalala, pagmamahal at pagpapasalamat.
Maligayang Araw ng mga Puso sa lahat! Panatilihin nating naglalagablab ang ating pagmamahalan sa buong taon!