ISULAN, Sultan Kudarat – Tatlong miyembro ng isang sindikatong sangkot sa iba’t ibang krimen ang napatay, habang apat na iba pa ang sumuko, matapos mauwi sa engkuwentro ang pagsalakay ng pulisya sa lugar ng grupo sa Barangay South Sepaka, Suralla sa South Cotabato.
Sa pangunguna ni Supt. Maximo Sebastian, ng Surallah Police, sinalakay nila ang lugar at sinalubong sila ng mga putok ng baril kaya nauwi sa sagupaan ang raid.
Nasawi sina Roel Kupad, Martinez Mopak, at Tono Silangan Utto, habang sumuko naman sa pulisya sina Lito Gaway Kayang, John Umibo Taton, Kupen Mamong, at Tanong Angot Tibo.
Nakatakas naman at tinutugis ngayon sina Luis Bangan at Utto Taton.
Nakuha sa lugar ang pitong matataas na kalibre ng armas, isang shotgun, tatlong granada, isang rifle grenade, at mga bala.
Sinabi ni Sebastian na sangkot ang grupo sa gun-for-hire at robbery hold- up sa South Cotabato. (Leo P. Diaz)