Aabot sa 105 kilo ng marijuana ang nasabat ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at lokal na pulisya sa La Union, iniulat kahapon ng PDEA.
Base sa report ni PDEA Director General Arturo G. Cacdac Jr., kabilang sa nakumpiskang kontrabando ang 103 piraso ng nirolyong dahon ng marijuana, na may street value na P450,000.
Arestado sa operasyon ang suspek na si Noelezar Turreda Molina, 32, driver, ng Saint Agustin, Maricaban, Pasay City, makaraang harangin ng pulisya ang minamaneho niyang Isuzu Alterra (VEK-161) sa Barangay Corro-oy, Santol, La Union.
Nabatid na ang marijuana ay sinundo ni Molina sa Santol, La Union, at planong dalhin sa Maynila nang masabat ng pulisya.
Kinasuhan na rin ang suspek ng paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (Jun Fabon)