NAGSIMULA na nitong Martes, Pebrero 9, ang 90-araw na pangangampanya ng mga kandidato sa mga national position, sa karaniwan nang sigla ng eleksiyon sa Pilipinas. Halos kasabay nito, inilabas ang resulta ng isang public opinion survey na nagpapakita sa biglaang pagpapalit-palit ng kapalaran ng mga kandidato sa pagkapangulo. Gayunman, mistulang walang epekto ang survey sa sigla ng mga kandidato at kanilang mga tagasuporta na naglunsad ng kampanya sa kani-kanilang baluwarteng lugar sa bansa, lahat at umaasa ng tagumpay sa Mayo 9, 2016.
Ito ang dapat na makatotohanang ugaliin. Dahil ang halalan sa Pilipinas ay kilala na sa mga hindi inaasahang pagbabago, mahirap na mahulaan ang magiging resulta nito. Sa halalang pampanguluhan noong 1992, halimbawa, nangunguna si Speaker Ramon Mitra hanggang sa maungusan siya ni Fidel V. Ramos na naging ika-12 presidente ng Pilipinas. Sa eleksiyon noong 2010, nangunguna noon si Speaker Manuel Villar sa mga poll survey, ngunit naungusan siya ni Benigno S. Aquino III para mapanalunan ang pagkapangulo.
Kaya sinuman ngayon ang nangunnguna sa mga survey para sa halalan sa 2016, dapat niyang masusing pag-aralan ang mga nakalipas na eleksiyon at matuto sa mga ito.
Sinasalamin ng mga opinion survey ang iniisip ng publiko sa partikular na panahon ng kampanya—at iyon ay kung batid ng nagpapasarbey kung ano ang kanyang ginagawa. Ang resulta ng survey ay maaaring maapektuhan ng maraming bagay—ang tamang pagpili ng sample, ang paraan ng pagtatanong, ang sitwasyon ng kinakapanayam, atbp. Sa mga nakalipas na eleksiyon, ang “survey results” ay iniimbento lamang at ginagamot na election propaganda. At nariyan din ang opinyon na nagiging buo lamang ang desisyon ng maraming botante sa mismong araw ng eleksiyon, maaaring dahil sa mga pagbabago sa mga huling araw o dahil sa pinal na desisyon ng marami.
Aabutin pa ng maraming panahon bago matamo ng mga Pilipinong botante ang antas ng maturity na magtitiyak na ang pinakamahuhusay na kandidato na may pinakamakabuluhang programa ang maihahalal sa puwesto. Ngunit pinahahalagahan natin ang ating eleksiyon. Sinasalamin nito ang kahilingan at mga hangarin ng mamamayan. Habang unti-unti tayong natututo bilang mga botante, umasa tayong sa akmang panahon, sana ay mas maaga sa inaasahan, ay magiging wasto na ang ating mga pagpili.