SINIMULAN na ng mga kandidato ang political at proclamation rally sa 2016 national election sa darating na Mayo bilang hudyat ng 90 araw na pangangampanya. Ang mga kandidato sa pagkapangulo, pangalawang pangulo, at mga senador ng bawat partido ay may piniling lugar sa Metro Manila at lalawigan na pinagdausan ng kanilang political at proclamation rally.
Ang United Nationalist Alliance (UNA), sa pangunguna ni Vice President Jojo Binay at Senador Gringo Honasan (BIHON team), ay sa Welfare Mandaluyong, City. Ang pambato ng Liberal Party at kasalukuyang administrasyon na si ex-DILG Secretary Mar Roxas at Congresswoman Leni Robredo ay sa Roxas City, Capiz na bayan ni Secretary Roxas. Nangibabaw ang kulay dilaw sa political rally, kasama si Pangulong Aquino at mga gabinete bilang suporta sa pambato ng Malacañang na nangungulelat sa survey.
Sina Senador Grace Poe at Senador Chiz Escudero naman ay nagtungo sa makasaysayang Plaza Miranda sa Quiapo, Maynila upang idaos ang kanilang political rally. Sina Davao City Mayor Duterte at Senador Alan Peter Cayetano ay sa Tondo, Maynila. Sa Batac, Ilocos Norte naman magkasamang nag-political rally sina Sen. Miriam Defensor Santiago at Sen. Bongbong Marcos. Ang kani-kanilang mga political rally ay dinumog at dinaluhan ng kanilang mga supporter.
Katulad ng inaaasahan ng ating mga kababayan, bawat presidential candidate at mga kapartido nito ay nagtalumpati sa proclamtion rally. Naglahad ng kanilang gagawin kapag inihalal na ng sambayanang Pilipino upang maupo sa Malacañang sa loob ng anim na taon. Binanggit ang ilan sa kanilang mga plataporma. At sa kanilang talumpati, hindi naiwasan na may patutsada sa matatapos na rehimeng Aquino.
Sa bahagi ng talumpati ni Davao City Rodrigo Duterte, nangako siya na papatayin ang mga kriminal. Lumayas ang mga kriminal kung sangkot sila sa droga. Sa Capiz, ang pambato ng Malacañang na si dating DILG Secretary Mar Roxas ay muling naging bahagi ng kanyang talmpati na ipagpapatuloy niya at palalawigin ang “Matuwid na Daan” ni Pangulong Aquino.
Binanggit naman ni Senador Grace Poe ang “Kapag Puno ang Salop” pamagat ng bantog na pelikula ng kanyang amang si Fernando Poe Jr,. Iniugnay ng Senadora sa pagsugpo sa mga katiwalian sa pamahalaan na kanyang gagawin kapag nahalal na pangulo ng ating bansa.
Sa bahagi naman ng talumpati ni Senador Miriam Defensor Santiago, ipinangako niya na lahat ng mga magnanakaw ng pera ng sambayanang Pilipino ay agad na ikukulong. Makapipili sila ng kulungan kung ordinaryo, business class o first class na kulungan. Ngunit lahat sila’y mamamahay sa bilangguan. Nangako naman si Vice President Binay sa kanyang talumpati na gagawin niya sa bansa ang ginawa niya sa Lungsod ng Makati noong siya’y nanungkulan bilang alkalde.
Libre ang mga aklat at niporme ng mga mag-aral, palalawakin ang conditional cash transfer (CCT) program at isasama ang mga senior citizen. Libre rin ang mga gamot ng mga ito. Binanggit pa ng stadard bearer ng UNA (United Nationalist Coalition) na kapag siya’y nahalal ay makikita at mararamdaman ng mamamayan ang tunay na pagbabago.
(CLEMEN BAUTISTA)