Utang ang isa sa mga anggulong sinisiyasat ng awtoridad kaugnay ng pagpaslang sa isang babaeng motorista sa Parañaque City, nitong Martes ng hapon.

Binawian ng buhay habang ginagamot sa Parañaque Medical Center si Yolanda Manatad y dela Rosa, 66, ng San Nicolas Street, Gatchalian Subdivision, San Dionisio, dahil sa tinamong dalawang tama ng bala ng hindi pa mabatid na kalibre ng baril sa ulo at katawan.

Ayon kay Parañaque City Police chief, Senior Supt. Ariel Andrade, dakong 4:00 ng hapon nang tambangan at barilin ng hindi pa nakikilalang motorcycle rider ang biktima, na noon ay sakay sa itim na Isuzu Sportivo (XRY-677) sa bahagi ng San Antonio Valley 1.

Nauna rito, dumalo pa si Manatad sa pagdinig sa kasong qualified trespass to dwelling sa isang korte sa Parañaque, subalit naibasura na umano ang naturang kaso matapos magkaroon ng amicable settlement si Manatad at ang complainant.

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

Sinabi ni Andrade na dahil sinasabing maraming may utang sa biktima kaya posibleng tinambangan o sinadya ang pagpatay kay Manatad, taliwas sa unang napaulat na away trapiko ang dahilan ng pamamaslang sa biktima.

(Bella Gamotea)