CEBU CITY – Maigting ang isinasagawang monitoring ng Mines and Geosciences Bureau (MGB) ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa mahigit 100 sinkhole sa paligid ng Cebu.
Natukoy ang mga sinkhole sa pamamagitan ng Subsidence Mapping na sinimulan ng MGB noong huling bahagi ng nakaraang taon, kasunod ng pagkakakumpleto ng Geohazard mapping.
Ang mahigit 100 sinkhole na natukoy ay batay lamang sa mapping at assessment sa mga bayan ng Oslob at Santa Fe, at sa mga lungsod ng Bohol at Lapu-Lapu. Maaaring madagdagan pa ang bilang ng mga sinkhole sa pagpapatuloy ng Subsidence Mapping.
Target ng MGB-Region 7 na makumpleto ang Subsidence Mapping sa susunod na taon.
Sa Cebu City, sinabi ni Ma. Elena Lupo, supervising geologist ng MGB-7, na may mga sinkhole sa Barangay Guadalupe, ang pinakamalaking barangay sa Cebu City, at maigting din itong sinusubaybayan.
Samantala, nakumpleto kamakailan ng MGB-7 ang information, education and communication (IEC) campaign nito sa 375 barangay sa 19 na komunidad sa Cebu na naapektuhan sa pananalasa ng bagyong ‘Yolanda’ noong Nobyembre 2013.
Layunin ng kampanya na kumalap ng detalyadong impormasyon tungkol sa mga komunidad na geohazard-prone bilang bahagi ng pagsisikap upang mabawasan ang epekto ng mga kalamidad.
“In every part of the country and the world we are suffering various geological phenomena and other catastrophe and the immediate dissemination of information on how to lessen the impacts of these kinds of inevitable events is one of our precedence,” sabi ni DENR-Region 7 Director Isabelo Montejo. (Mars W. Mosqueda, Jr.)