IPINAGDIRIWANG ngayon ng Parañaque ang ika-18 anibersaryo ng pagiging lungsod nito. Nagsimula ang selebrasyon noong Pebrero 9 sa isang misa, sa pagbubukas ng Mega Job Fair at Sunduan Exhibit, pamamahagi ng mga scholarship, at paglulunsad ng mga pre-pageant activity para sa Gandang Mamita at Binibining Parañaque 2016. Kabilang sa mga pangunahing aktibidad na nakalinya ang Komedya, Karakol, Lambat Festival, at ang Drum & Lyre Competition. Magdaraos din ng Parangal sa Natatanging Parañaqueno, na magkakaloob ng pagkilala sa pinakanatatanging mamamayan at mga pangunahing taxpayer ng lungsod; Medical Mission at “A Run to be a HERO” para sa kapakinabangan ng mga may kapansanan at ng programa sa Special Education.
Ang mga aktibidad na ito ay tatapusin sa taunang Sunduan Festival. Ang Sunduan ay isang tradisyon na sinimulan noon pang ika-18 siglo, sa panahon ng Kastila. Sinusundo ng mga pinuno ng Barrio La Huerta ang isang babaeng kasapi ng commite de festejos mula sa bahay nito kasama ang isang banda upang hindi nito matanggihan ang pagtatalaga rito bilang susunod na Hermana Mayor. Tampok sa modernong Sunduan ang kabataang lalaki na sinusundo ang kabataang babae mula sa kani-kanilang bahay upang dalhin sa Saint Andrew’s Cathedral sa Barangay La Huerta. Kasama ng mga pareha ang mga banda sa pagparada nila sa komunidad, habang hawak ng kalalakihan ang makukulay na payong upang protektahan ang kababaihan mula sa init ng araw.
Itinatag noong 1572 ng mga misyonerong Espanyol, tinatawag noon ang Parañaque na “Palanyag.”
Ang mga pangunahing aktibidad na pang-ekonomiya noon ay ang kombinasyon ng tinatawag ng mga residente na “palayan” at “Paglalayag”. Ang kasalukuyang pangalan ng siyudad ay nagmula sa praseng “para aqui,” isang utos na narinig ng mga residente mula sa isang Espanyol upang sabihan ang nagmamaniobra ng karwahe nito na itigil ang sasakyan dahil bababa siya.
Dahil sa estratehikong lokasyon ng Parañaque, ang mga unang residente nito ay gumanap ng mahalagang papel sa kasaysayan ng Pilipinas. Batay sa kuwento, nang sinakalay ni Limahong ang bansa noong 1574, tumulong ang mga residente, partikular na ang mga taga-Barangay Dongalo, upang mapigilan ang pag-atake sa Maynila. Noong 1762, pumalag din ang mga residente laban sa mga Briton na nagtangkang sakupin ang lugar. Sa pagpapakita ng katapangan at pagkakaisa, tinulungan ng mga residente ang puwersa ng mga Pilipinong rebolusyonaryo mula 1896 hanggang 1898, at nilabanan ang pagiging agresibo ng Japan noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Tinawag na “Fashion Capital of the Philippines” at “City of Lights”, umani ng panibagong titulo ang Parañaque bilang “Bay City”. Dahil sa bagong titulo, umaasa ang pamahalaang lungsod na mapagbabago ang Parañaque bilang isang lugar na dinadagsa ng mga turista, upang ang Parañaque ay hindi lamang maging pangunahing tourist at entertainment destination ng bansa kundi maging isa sa pinakamagaganda sa Asia-Pacific region.
Binabati naming ang pamahalaan at mga residente ng Parañaque City sa pagdiriwang ng 18th Cityhood Day ng Parañaque at sa kanilang walang kapagurang pagsisikap at hindi nagbabagong determinasyon na mapangalagaan at maipamalas ang mayamang pamana ng kultura at kasaysayan ng lungsod.