DAMANG-dama na ang tindi ng epekto ng El Niño hindi lamang ng mga magsasaka, kundi maging ng mga mangingisda.
Natitigang na ang mga bukirin kasabay ng pagkatuyot ng mga palay; umiinit ang karagatan dahilan upang mamatay ang mga isda. Nagiging dahilan ito nang pagtindi ng problema sa pagkagutom at pagkalumpo ng produksiyon ng pagkain.
Ang nakababahalang sitwasyong ito ay hindi dapat ipaghalukipkip ng administrasyon. Kailangan ang madaliang plano at aksiyon sa halip na mag-aksaya ng makabuluhang panahon sa walang kapararakang pamumulitika.
May panahon pa upang saklolohan ang mahigpit na pangangailangan ng mga magsasaka at mangingisda. Sa pagkakataong ito, kagyat ang pagkakaloob sa kanila ng crop insurance subsidy upang mabili kaagad ang mga binhi na natigang dahil sa El Niño. Gayundin ang pagtustos sa pagbili ng mga binhing isda o fingerlings para sa mga palaisdaan na mistulang pinakuluan dahil sa El Niño. Malaki ang pagkalugi ng mga magsasaka at mangingisda kapag sila aypinipinsala ng mga kalamidad. Hindi nila nababawi ang kakarampot nilang puhunan kahit magdeklara ng state of calamity sa kani-kanilang komunidad.
Makabagbag-damdamin ang iniulat na pagpapatiwakal ng isang magsasaka sa Maguindanao. Hindi na niya makayanan ang matinding problema sa kanyang pagsasaka nang dalawang ulit na matuyot ang kanyang bukirin. Buong paghihinagpis na isinalaysay ng kanyang ginang na masyadong lumaki ang nautang nilang puhunan sa binhi at iba pang pangangailangan sa pagsasaka; ito umano ang naging dahilan ng pagpapakamatay ng kanyang asawa. Dito kailangan ang crop insurance subsidy.
Paulit-ulit nating idinudulog sa administrasyon ang pangangailangan ng katulad nating mga magbubukid. Bilang bahagi ng kanilang pangangalandakan na agrikultura ang susi sa pagkakaroon ng sapat na produksiyong pagkain, marapat lamang na pagkalooban ang mga magsasaka ng lahat ng agricultural implements katulad ng makinang pang-araro at panggiik.
Bukod pa rito ang patuloy na rehabilitasyon ng mga patubig at konstruksiyon ng mga feeder roads. Kaakibat ito ng patuloy na pagtuturo ng mga makabago at mauunlad na paraan ng pagsasaka.
Hindi maitatanggi na ang susi sa sapat na food production ay mga magsasaka na tinaguriang “backbone of the nation”.
(CELO LAGMAY)