Negatibo ang resulta ng DNA test na isinagawa sa pamilya ni Lorena Rodriguez-Dechavez na unang pinaniwalaan na kaanak ng presidential candidate na si Sen. Grace Poe-Llamanzares.
Ito ang inihayag ni Poe habang nangangampanya siya sa bayan ng kanyang yumaong ama, na si Fernando Poe Jr., sa Iloilo.
“Yung mga succeeding ones from the family of Lorena, hindi rin nag-match sa ngayon,” pahayag ng senadora.
“Pero hindi naman kami nawawalan ng pag-asa sapagkat ‘yung ating argumento sa Korte Suprema ay hindi nakabase sa DNA (test), ito’y nakabase sa mga karapatan ng mga batang napulot na magkaroon ng estado sa bansang ito,” giit ni Poe.
Tubong Guimaras Island, si Dechavez ay isa sa mga indibidwal na lumapit kay Poe habang bumibisita sa Iloilo at boluntaryong inialok ang kanyang DNA samples upang sumailalim sa pagsusuri at matukoy kung kaanak siya ng senadora.
“Meron pa namang ibang mga lumalapit. Pero sabi nga natin, siguro ito ‘yung cause ko na ipaglaban at magkaroon na ng tuldok at magkaroon ng karapatan ang mga batang pulot,” ayon kay Poe.
Si Poe ay napulot sa isang simbahan sa Jaro, Iloilo at kinalaunan ay inampon ng mag-asawang FPJ at ng aktres na si Susan Roces.
Nahaharap ngayon sa kasong diskuwalipikasyon ang senadora dahil sa isyu sa citizenship at residency sa kanyang pagkandidato sa pagkapangulo sa Mayo 9. (Hannah L. Torregoza)