Umapela si dating Supreme Court Chief Justice Renato Corona sa Sandiganbayan Second Division na huwag payagan ang prosekusyon na silipin ang kanyang mga bank account kaugnay ng mga forfeiture case laban sa kanya.

Isinumite ni Corona ang omnibus motion na humihiling na ibasura ng graft court ang subpoena duces tecum et ad testificamdum na nag-uutos sa mga opisyal ng bangko na ipakita ang lahat ng kanyang record sa bangko.

Sakaling naipatawag na ang mga opisyal ng bangko at naisumite na ang mga dokumento, sinabi ni Corona na dapat ikonsiderang ilegal na nakuha ang mga ebidensiya, dahil ito ay “inadmissible in evidence.”

Nag-isyu ang Second Division ng mga subpoena sa kahilingan ng prosekusyon na nagnanais na magamit ang mga testimonya ng mga opisyal ng bangko at mga dokumento laban kay Corona.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Na-subpoena ng korte sina Allied Banking Corporation President Anthony Chua; Deutsche Bank AG Manila Chief Country Officer Enrico Cruz; Deutsche Bank Direct Securities Services Head Celia Orbeta; Land Bank of the Philippines branch managers Francisco Burgos Jr. at Maybelen Villareal; at PS Bank President Pascual Garcia III.

Gayunman, iginiit ng mga abogado ni Corona na alinsunod sa RA 1405 (Law on the Secrecy of Bank Deposits) at RA 6426 (Foreign Currency Deposits Act) “all bank deposits, of whatever nature, are of absolutely confidential character.”

(Jeffrey Damicog)