IPINAGMAMALAKI nang husto nina Viva Boss Vic del Rosario, Direk Joel Lamangan at lahat ng bumubuo ng seryeng Bakit Manipis ang Ulap na TV remake ng pelikula ni Danny Zialcita (1985) na pinagbidahan nina Janice de Belen, Chanda Romero, Tommy Abuel, Mark Gil at Ms. Laurice Guillen dahil sa nakaraang advance screening nito sa SM Aura ay inimbita sina TV5 Chairman Manny V. Pangilinan at TV5 President at CEO Noel C. Lorenzana.
Bihirang dumalo si MVP sa mga screening ng mga bagong programa sa TV5 kaya plus points na ito para sa Viva boss.
Ang ganda ng pilot week ng Bakit Manipis ang Ulap na magsisimula sa Pebrero 15, 8:30 PM. Ang unang eksena ay kasal nina Roxanne Barcelo at Bernard Palanca bilang si Migs na ex-boyffriend ni Claudine Barretto as Marla.
Kamuntikang mag-eskandalo si Claudine dahil nga mahal na mahal niya si Bernard na napilitang pakasalan ang mayamang si Roxanne at para iligtas ang naluluging negosyo ng pamilya.
Si Diether Ocampo bilang si George ang best man sa kasal at pumigil kay Claudine para hindi matuloy ang pag-eeskandalo nito.
Magkaklase at magkaibigan sina Diether at Claudine sa kolehiyo at nakilala ni Bernard ang aktres dahil sa una na kinakapatid niya (anak ng tatay niya -- ginagampanan ni Lloyd Samartino -- sa ibang babae).
Bagamat may asawa na si Bernard ay hindi pa rin niya binibitawan si Claudine na ikinagagalit nang husto ni Diether dahil pumayag na maging kabit ng kinakapatid niya ang kaibigan.
Para makalimot ay nagpakalayu-layo si Diether at nililibot ang Pilipinas hanggang sa nakilala niya si Meg Imperial na mahilig maglaro at kung sino ang gusto ay nakukuha.
Nagkaroon ng one night stand sina Diet at Meg at ito pala ‘yung sinasabi ng aktres na gigil na gigil ang aktor sa first kissing scene nila dahil ipinakita na talagang nanggigil ang aktor.
Samantala, si Claudine ay isang waitress at nakilala si Cesar Montano bilang si Ricardo na gustung-gusto siya.
Inalok ng kasal ni Cesar si Claudine pero tinawanan lang ito ng huli dahil nga hoping pa rin siya kay Bernard na kung minsan ay sinisipot siya at kung minsan ay hindi.
Isang gabing malungkot si Claudine dahil hindi sila nagkita ni Bernard, tinawagan niya si Diether pero hindi siya sinagot kaya si Cesar ang tinawagan niya para maibsan ang kanyang kalungkutan at tinanong kung tuloy pa rin ang kasal na iniaalok nito.
Hindi alam ni Claudine na mayaman si Cesar at anak nito si Meg na karelasyon na ni Diether.
Tiyak na maloloka si Meg dahil ang babaeng mahal na mahal ni Diether ay madrasta pala niya at ang buong akala niya ay kayamanan lang ng tatay niya ang hangad kaya pumayag magpakasal.
Ang galing talagang umarte ni Claudine. Kahit chubby siya sa screen ay patatawarin mo na dahil sa kahusayan niya.
Medyo bothered kami kay Diether na napaka-stiff ng acting, pati boses ay modulated, ito ba ang sabi ni Direk Joel na kailangan malalim at malaki ang boses ng aktor?
Kaya pala ang sabi ni Meg sa nakaraang interview, “Hindi ko alam na ganu’n pala talaga kalalim at malaki boses niya (Diet), akala ko sa presscon lang.”
Oo nga, ano itong paandar mo, Diether?
Pero sa kabuuan ng isang linggong episode ng Bakit Manipis Ang Ulap ay thumbs up kaming mga nakapanood dahil bukod sa maganda ang istorya at pagkakadirek ni Joel Lamangan, ang gagaling ng mga artista pati na ang support lang sina Janelle Jamer, Samantha Lopez na hindi rin nagpakabog sa pag-aarte.
Puwedeng-puwedeng itapat ang Bakit Manipis Ang Ulap sa mga serye ng ABS-CBN at GMA-7.
Samantala, pagkatapos ng screening ay kinunan ng pahayag si Claudine tungkol sa mga narinig niyang papuri na kahit nawala nang matagal sa pag-arte ay hindi pa rin kinalawang.
“I’m excited, really excited. Ito ‘yung passion ko, ito ‘yung first love ko. Lumaki ako sa teleserye more than actually doing movies. Ito po iyong forte ko so I’m really hoping and praying na talagang suportahan po ng maraming tao,” masayang sabi ni Claudine na pinagkaguluhan ng mga tao paglabas ng sinehan. (Reggee Bonoan)