Sinampahan ng mga kasong administratibo ang apat na tauhan ng New Bilibid Prison (NBP) sa umano’y pakikipagkutsabahan ng mga ito sa ilang bilanggo.
Tinukoy ang mga impormasyon mula sa Bureau of Corrections (BuCor)-Internal Affairs Service, kinumpirma ni NBP Superintendent Richard Schwarzkopf na kinasuhan ang apat na tauhan ng Bilibid, na nalagay sa balag na alanganin noong Disyembre matapos na matagpuan sa kani-kanilang drawer ang ilang cell phone ng mga bilanggo sa sorpresang inspeksiyon na bahagi ng “Oplan Galugad”.
Gayunman, tumanggi si Schwarzkopf na pangalanan ang apat na empleyado ng NBP, na tiniyak niyang sasailalim sa due process at bibigyan ng pagkakataong ipaliwanag ang kanilang panig sa usapin.
Una nang sinabi ni BuCor Director Ricardo Rainier Cruz na posibleng ilang jail guard sa Bilibid ang kasabwat ng mga bilanggo sa pagpupuslit ng mga kontrabando sa piitan, gaya ng mga cell phone at appliances.
Labimpitong raid na ang ikinasa ng BuCor kaugnay ng Oplan Galugad ng kawanihan, at napakaraming armas at kontrabando na ang nakumpiska, bukod pa sa ipinagiba ang mga kubol ng ilang high-profile inmate. (Leonard D. Postrado)