Gusto mo bang maka-date si Senator Ferdinand “Bongbong” Marcos?

Pinamagatang “Bongbong into my Heart,” na sinamahan ng musical note emojis, inilunsad ang raffle sa Facebook nitong Pebrero 5, 2016. Tatakbo ang paligsahan hanggang sa Pebrero 15; at ihahayag ang nagwagi sa Pebrero 17.

Kahit sino ay maaaring magpadala ng maraming entries sa online application site ng patimpalak sa pag-log in sa kanilang personal e-mail address o account sa Facebook, Instagram, at Twitter.

Kailangang kumpletuhin ang ilang field gaya ng buong pangalan, e-mail, kaarawan, numero ng telepono, at bansa.

Mapayapa, nagkakaisang Pilipinas 'di matitinag, babangon sa gitna ng hamon—VP Sara

Kabilang sa 10 paraan para makakuha ng raffle entry ang pag-share sa link ng contest sa iba’t ibang social media platform at panonood ng promotional video ni Marcos sa YouTube.

Habang isinusulat ang balitang ito, ang website ay mayroon nang kabuuang 3,735 entries.

Aprub naman kay Louise Marcos, ang asawa ng 59-year-old vice presidential aspirant, ang raffle na ito.

“Minsan lang ‘to! Bilis, sali na!” nakasulat sa isa sa mga patalastas ng raffle na may litrato ni Louise.

Magugunita na nitong 2015 isang parody video — pinagsama-sama sina Jesse J, Ariana Grande, ang “Bang-Bang” music video ni Nicki Minaj at campaign video ni Marcos — ang kumalat sa online. Ito ay pinamagatang “Bongbong into the Room”. (Tessa Distor)