NANG mag-launch ang North Korea ng ballistic missile—na isa lang umanong rocket na maglalagay ng satellite sa orbit—nitong Linggo ng umaga, lumipad ang missile mula sa silangang bahagi ng South Korea, dumaan sa Okinawa prefecture ng Japan, at nag-landing sa Pacific Ocean malapit sa Batanes sa Pilipinas.
Ang paglulunsad ng missile, ilang araw matapos sabihin ng North Korea na sinubukan lamang nila ang hydrogen bomb, ay kinondena ng United Nations (UN) Security Council bilang isang “intolerable provocation” at inaksiyunan upang pagtibayin ang isang resolusyon na magpapataw ng parusa sa gobyerno ng Pyongyang.
Kahit sinabi ng North Korea na plano lang nitong magpadala ng satellite sa orbit, sa tingin ng UN ay isa itong pagsubok sa ballistic missile technology, na ipinagbabawal sa ilalim ng UN Security Council resolutions. Nangangamba ang mga kalapit na bansang South Korea at Japan sa nasabing missile test. Ngunit mas nangangamba ang United States; naniniwala itong ang layunin ng North Korea ay isang nuclear-armed missile na maaaring pumuntirya sa US mainland.
Ikinokonsidera ngayon ng Amerika ang paglalagay ng sistemang Terminal High-Altitude Area Defense (THAAD) sa South Korea para mabantayan ang North, ngunit nangangamba naman ang China na ang nasabing radar system ay maaaring makapasok sa teritoryo ng China. Ayon sa isang opisyal ng Japan, walang konkretong balak ang kanyang bansa na maglunsad ng THAAD ngunit dahil sa missile tests ng North Korea, baka mapilitan ang Japan na gawin ito.
Idinisenyo ang THAAD upang harangin at wasakin ang ballistic missiles bago ito maka-landing. May THAAD battery na ang US sa Guam at madali na para rito na magpadala ng kahit isa nito sa Japan o sa South Korea sa loob lang ng ilang linggo.
Nakiisa na rin ang Pilipinas sa mga bansang kumokondena sa nasabing missile launch na malinaw na paglabag sa UN Security Council resolutions at sa pandaigdigang panawagan para wakasan na ang mga missile testing. Maaaring hindi tayo kasing laki ng sa US o South Korea o Japan ang ating pangamba, ngunit bumagsak malapit sa Batanes ang missile test nitong Linggo. Dapat lamang na pakatutukan ito ng ating mga opisyal, dahil malinaw na hindi lamang tayo tagamasid na pinangangambahang alitan. Malamang na tamaan tayo nito.