TATAWAGING ‘super confessors’ ang mga pari na sa loob ng isang taon ay pinahihintulutang magpatawad ng mga kasalanan na karaniwan nang ang Papa lamang ang maaaring magpatawad.

At nitong Miyerkules, mahigit 1,000 ng “missionaries of mercy” na ito na pinili ni Pope Francis ang itinalaga upang himuking magbalik-loob ang mga tumalikod na sa Simbahang Katoliko at buksan ang pintuan para sa mga makasalanan sa mundo.

May ilang kasamaan na para sa Vatican ay nakahihigit sa ibang kasalanan, mula sa pagtatangkang paslangin ang papa hanggang sa kawalang respeto sa Eukaristiya—o ang ritwal ng pagkonsumo ng tinapay at alak sa Simbahan—sa pagdura rito o paggamit sa mga ito sa mga ritwal ng Satanismo.

Simula noong ika-12 siglo, sinuri ng isang sekretong tribunal sa estado ng Vatican City ang mga nagsagawa ng tinatawag na “reserved sins” bago iparating ang mga ito sa Papa, na siyang tutukoy sa aktuwal na parusang igagawad.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Sa ngayon, 1,142 pari at monghe mula sa iba’t ibang panig ng mundo ang binigyang-kapangyarihan, para sa Jubilee Year ng Vatican, upang patawarin ang mga makasalanan sa kani-kanilang nasasakupan—at maging mga kapwa pari na ang isa sa mga espesyal na pagkakasala ay ang biguin ang kasagraduhan ng pagkukumpisal.

Sinabi ni Maltese Franciscan Marcello Ghirlando, 53, sa Agencé France Presse na para sa kanya ang pagkakaloob ng awtoridad sa isang ‘super confessor’ ng lalaking nakaputi ay isang “symbolic gesture” upang ipakita sa sangkatauhan na handa ang Simbahan na magpatawad sa mga nagsisisi sa kanilang mga kasalanan.

“I think the pope wants to insist that ‘listen, God is always going to forgive us if we turn to him with a clean heart, with a repentant heart’,” nakangiting sabi ni Ghirlando, idinagdag na masaya niyang tinanggap ang hamon ng paghimok sa mga tao na magbalik-loob sa simbahan.

Ilang beses nang nagbabala si Pope Francis sa mga pari na huwag itataboy ang mga may potensiyal na manampalataya sa pagiging nakababagot, hindi malapitan o kaya naman ay labis ang pakikialam, at nitong Martes, sinabi niya sa mga misyonero na dapat silang magpatupad ng “maternal” approach sa mga makasalanan.

“Remember, you are not dealing with sin but a repentant sinner, a sinner who wants to change but can’t,” ani Pope Francis at sinabihan sila “[to] cover the sinner with a blanket of mercy, so that he is no longer ashamed and can rediscover joy.”

Ang ilan sa mga super confessor ay malikhain nang mag-isip. Isang misyonero ang patungo sa Canadian Arctic upang papagkumpisalin ang mga Eskimo, habang ang isa pa ay maglilibot sa Australia sa isang camper, samantala mistulang turista namang bibisita ang iba pa sa Burundi, China, at Lebanon. (Agencé France Presse)