Tumangging maghain ng plea ang mga itinuturong recruiter ni Mary Jane Veloso, na ngayo’y nasa death row sa Indonesia, nang basahan ang mga ito ng sakdal kahapon kaugnay ng kasong syndicated human trafficking na kanilang kinahaharap sa Nueva Ecija Regional Trial Court (RTC).
Dahil dito, si Judge Nelson Tribiana, ng Nueva Ecija RTC Branch 37, ang nagpasok ng “not guilty” plea para kay Maria Cristina Sergio at sa kanyang live-in partner na si Julius Lacanilao bago itinakda ang pre-trial investigation sa kaso sa Marso 9.
“Both accused refused to enter any plea. The Court, as required by the Rules, entered a mandatory plea of not guilty into the record,” pahayag ni Lawyer Edre Olalia, ng National Union of People’s Lawyer.
Matatandaan na ipinagpaliban ng korte ang arraignment nina Sergio at Lacanilao noong Nobyembre 2015 matapos ang mga itong maghain ng motion for reconsideration sa ginawang pagbasura sa kanilang Bill of Particulars ng kanilang abogado hinggil sa kasong isinampa laban sa kanila.
Sa kanilang naunang mosyon, pinuntirya ng mga respondent ang prosekusyon dahil sa umano’y kabiguan nito na ihayag ang detalye ng pagkakakulong ni Veloso.
Sinabi rin ng mga respondent na hindi malinaw ang impormasyong inihain laban sa kanila tulad ng nakasaad sa Section 4 (a) ng RA 9208 o Anti-Trafficking in Persons Act of 2003).
Sa sinapit ni Veloso, unang iginiit ng Department of Justice (DoJ) na kumpleto ang tatlong elemento sa human trafficking—akto, paraan, at pagsasamantala sa mga biktima. (Leonard D. Postrado)