Ipinababasura ni dating Supreme Court chief justice Renato Corona at ng asawa nito, ang subpoena na inilabas ng Sandiganbayan laban sa mga opisyal ng isang German bank na sinasabing may dollar deposit ang dating mahistrado.

Sa kanyang mosyon, tinukoy ni Corona at ng kanyang misis na si Cristina, ang mga subpoena na inilabas ng anti-graft court laban kina Enrico Cruz at Celia Orbeta, chief country officer at hepe ng direct securities services ng Deutsche Bank AG Manila, ayon sa pagkakasunod.

Kumilos si Corona matapos hilingin ng mga prosecutor ng Office of the Ombudsman sa hukuman na padaluhin sa pagdinig ang mga opisyal ng naturang bangko upang pagtibayin ang kopya ng kanilang liham kay Bureau of Internal Revenue (BIR) Commissioner Kim Henares noong Hunyo 2012 na nagdedetalye sa $167,000 savings ni Corona mula 2002 hangngang 2011.

Hiniling ng mag-asawa sa korte na “hadlangan, huwag isama at burahin sa rekord” ang mga ebidensyang ilalantad nina Cruz at Orbeta, gayundin ang kina Anthony Chua, director ng Allied Banking Corporation; Francisco Burgos Jr. at Maybelen Villareal, kapwa branch manager ng Land Bank of the Philippines (LBP); at Pascual Garcia IIII, pangulo ng PS Bank. (Rommel P. Tabbad)

Tsika at Intriga

Marc Nelson, nagsalita matapos madawit sa legal battle nina Maggie Wilson-Victor Consunji