Kinontra ng Philippine National Police (PNP) ang hiling ni dating Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director, Marine Lt. Col. Ferdinand Marcelino na ilipat siya sa kulungan ng Philippine Navy (PN) o National Bureau of Investigation (NBI).
Sa pagdinig at preliminary investigation nitong Miyerkules laban sa dating opisyal ng PDEA, iginiit ng PNP na dapat lang si Marcelino sa kung saan siya nakakulong ngayon.
Kung papayagan umano ng PNP na mailipat sa PN o NBI si Marcelino ay baka gawin din ito ng iba pang opisyal ng gobyerno na masasangkot sa ilegal na droga.
Sa liham na ipinadala kina Senior Deputy State Prosecutor Theodore Villanueva, nagbabala si PNP Anti-Illegal Drugs Group (PNP-AIDG) officer-in-charge Police Senior Supt. Manolo Ozaeta na kung pagbibigyan ang hiling ni Marcelino ay posibleng humiling din ng ganoon ang mga nakakulong na miyembro ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Paliwanag ni Ozaeta, umiiwas lamang sila sa negatibong sasabihin ng publiko, na binibigyan nila ng special treatment si LTC Marcelino, kaya mas mabuti nang doon na lamang siya sa BJMP.
Binalewala rin ni Ozaeta ang argumento ni Philippine Navy Vice Admiral Caesar Taccad—ang Executive Order 106, s. 1937—para malipat si Marcelino ng kulungan.
Nakasaad sa EO Nr. 106, s. 1937 na kapag miyembro ng AFP o iba pang tagapagpatupad ng batas ang nakagawa ng krimen ay dapat itong makulong sa pinakamalapit na AFP authorities.
Katwiran ni Ozaeta, hindi applicable kay Marcelino ang EO.
Sa hiwalay na panayam, iginiit ni C/Insp. Roque Merdeguia ng PNP-AIDG na dapat ay nasa kostodiya nila si Marcelino dahil sila ang nakahuli sa dating PDEA chief.
Noong isang linggo, sinuportahan ni Villanueva ang paglilipat kay Marcelino sa NBI o PN dahil umano sa banta sa buhay nito.
“Maraming ipinakulong si Lt. Col. Marcelino na may kinalaman sa illegal drugs, at ang iba sa kanila ay nakakulong sa Camp Bagong Diwa,” aniya.
Nangangamba rin ang abogado ni Marcelino na si Atty. Dennis Manalo at si Philippine Navy Vice Admiral Caesar Taccad para sa seguridad ng inarestong ex-PDEA official, na nakakulong ngayon sa QC-BJMP annex sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City.
Samantala, iginiit naman ni Yan Yi Shou, alyas Randy, ang Chinese national na nahuli sa drug raid sa Maynila noong isang buwan kasama si Marcelino, na wala siyang kinalaman sa mga ibinibintang sa kanya. (Leonard D. Postrado)