Hiniling kamakailan ni Bacolod City Mayor Monico Puentevella sa Sandiganbayan Second Division na payagan siyang makapunta sa Zurich, Switzerland upang makadalo sa Federation Internationale de Football Association (FIFA).

Sa mosyong isinumite ni Atty. Redemptor Peig, sinabing napakasuwerte ni Puentevella na kilalanin bilang nag-iisang Pilipinong miyembro ng FIFA.

Aniya, miyembro rin si Puentevella ng Marketing and TV Committee ng FIFA at maganda rin ang record nito, kaya dapat lamang na payagan si Puentevella na makalabas sa bansa sa Pebrero 24-28 upang makadalo sa Extraordinary FIFA Congress sa Zurich sa Pebrero 26.

Sinabi ni Peig na lilipad ang akusado patungong Switzerland, na daraan sa Hong Kong, at siniguro niyang tutupad ito sa lahat ng mga kondisyon ng korte na may kinalaman sa paglalakbay ng alkalde.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Giit pa ni Peig, tungkulin ni Puentevella na dumalo sa Extraordinary FIFA Congress 2016.

Paalala pa ng abogado, dati nang nakalabas si Puentevella ng bansa at sumunod naman ito sa mga kundisyon ng korte.

Kinasuhan si Puentevella ng graft kaugnay ng umano’y sobrang laki ng presyo ng mga biniling computer na nagkakahalaga ng P26 milyon, gamit ang kanyang Priority Development Assistance Fund (PDAF) mula 2002 hanggang 2006, noong mambabatas pa lang siya. (Jeffrey Damicog)