Hiniling ng isang opisyal ng Lakas-CMD party sa Commission on Elections (Comelec) na alamin kung may nilabag ang ABS-CBN network sa pagpapalabas nito ng talambuhay ni Liberal Party (LP) vice presidential candidate Leni Robredo tatlong araw bago ang simula ng campaign period.
Sinabi ni Atty. Raul Lambino, senior deputy secretary general ng Lakas-CMD, na posibleng may nangyaring “de facto electioneering” sa pagpapalabas ng ABS-CBN sa kuwento ng buhay ni Robredo sa isa sa pinakamalalaking istasyon ng telebisyon sa bansa.
Biyuda ni dating Interior and Local Government Secretary Jesse Robredo, si Leni ay katambal ni LP standard bearer Mar Roxas sa eleksiyon sa Mayo 9.
Iginiit ni Lambino, isang talunang senatorial candidate noong 2013 elections, na dapat na maging maingat ang ABS-CBN sa pagpapalabas ng mga biopic, tulad ng kay Robredo.
“Ethical standards apply to all or none at all,” pahayag ni Lambino.
Sinabi ni Lambino na ipinalabas ng TV network ang istorya ng buhay ni Robredo sa primetime schedule bago pa man magsimula ang campaign period nitong Martes.
Bagamat maaaring maghain ng reklamo ang mga katunggali ni Robredo sa vice presidential race, sinabi ni Lambino na dapat gumawa na ng hakbang ang Comelec at imbestigahan ang usapin.
“The media like to hold elective officials to high ethical and moral standards, and are quick to point out what they believe are issues of impropriety,” ani Lambino.
Ayon sa Lakas-CMD official, nakasaad sa Fair Elections Act: “No movie, cinematograph or documentary portraying the life or biography of a candidate shall be publicly exhibited in a theater, television station or any public forum during the campaign period.” (Ben Rosario)