Ayaw nang pag-usapan pa ni Sen. Gregorio Honasan, vice presidential candidate ng United Nationalist Alliance (UNA), kung anu-ano ang nangyari at sino ang mga nasa likod ng serye ng nabigong kudeta na pinangunahan niya laban kay dating Pangulong Corazon C. Aquino noong dekada ‘80.

Ayon kay Honasan, magbubunsod ito ng muling pagkakawatak-watak ng sambayanan kung pag-uusapan pa ang mga nabigong kudeta, na kabilang sa mga biktima ay si Pangulong Benigno S. Aquino III na nasugatan sa pananambang ng mga rebeldeng sundalo sa Malacañang.

“Para ano, pa? Upang muli nating bubuksan ang sugat? Magtuturuan at magsisisihan?” sinabi ni Honasan sa lingguhang kapehan sa Senado kahapon.

Matatandaan na nakulong at kinasuhan ng rebelyon si Honasan, na noo’y isang lieutenant colonel sa Philippine Army, makaraang pangunahan ang mga rebeldeng kasapi ng Reform the Armed Forces Movement (RAM) sa pag-aalsa laban kay Ginang Aquino.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

Aniya, pagkatapos ng halalan ngayong taon, tiyak na magkakaroon na naman ng sisihan sa iba’t ibang isyu tulad ng kudeta.

Iginiit pa ni Honasan na ang mahalaga ngayon ay ang pagkakaisa ng sambayanan para maisulong ang kapayapaan, kasaganahan at pag-usbong ng ating ekonomiya. (Leonel Abasola)