Sinimulan nang imbestigahan ng University of the East (UE) ang isang estudyante nito na umano’y nakuhanan ng video habang ginagamit ang bandila ng Pilipinas na panglampaso sa isang silid-aralan sa high school department ng unibersidad.
Sa isang pahayag na binasa sa radyo DzBB kahapon, kinondena ni UE Public Relations Officer Bert Sulat Jr. ang umano’y pambabastos sa bandila ng Pilipinas nang gamitin itong basahan.
Ayon naman kay UE President at Chief Academic Officer Dr. Ester Albano Garcia, pinulong na nila ang disciplinary committee ng unibersidad upang alamin kung ano ang mga posibleng parusa na maipapataw sa pasaway na estudyante at sa kasamahan nito na nag-record at nag-upload sa social media ng 22-segundong video.
Sinabi ni Garcia na nakipagpulong din sila sa mga estudyante at magulang upang talakayin ang isinasagawang imbestigasyon upang mapangalagaan ang integridad ng unibersidad.
Sinabi ng pangulo ng UE na nangyari ang pagsalaula sa bandila noong Martes kung kailan naka-recess ang mga estudyante at walang guro sa silid-aralan.
Base sa RA 8491, pagmumultahin ng P5,000 hanggang P20,000 at ikukulong ng isang taon ang isang indibiduwal na mapatutunayang sumalaula sa bandila ng Pilipinas. (Argyll Cyrus B. Geducos)