MAGANDA ang simula ng taon sa ABS-CBN sa naipanalong Best TV Station mula sa 2nd Aral Parangal Awards of the Young Educators’ Council of SOCKSARGEN (YECS) at Platinum Stallion Awards ng Trinity University of Asia. 

Pinatunayan din ng ABS-CBN News na ito ang pinagkakatiwalaan ng mga Pilipino sa pagbabalita dahil binigyang parangal din ng Aral Parangal ang TV Patrol at ng Platinum Stallion Awards ang Bandila bilang Best National News Program at Best News Program.

Ilan lang ito sa kabuuang 29 na parangal na natanggap nga Kapamilya Network noong January 23 at February 3. Panalo rin sa Aral Parangal ang iba pang programa at anchors sa Integrated ABS-CBN News and Current Affairs tulad ng Best TV Magazine Show (Rated K), Best Educational TV Program (Matanglawin), Best TV Documentary (Failon Ngayon), at Best National TV News Anchor para kay Ted Failon sa Aral Parangal awards.

Sa Platinum Stallion Awards naman, nakuha rin ng pinakamalaking news organization sa bansa ang Best Morning Show (Umagang Kayganda), Best AM Radio Program (Failon Ngayon), at Best Female AM Broadcast Journalist (Karen Davila), Best Male News Anchor (Julius Babao), at Most Trusted Male Field Reporter (Atom Araullo).

Tsika at Intriga

'DJ,' nabanggit ni Kathryn Bernardo sa Family Feud

Ang top-rating entertainment programs at artista ng Kapamilya Network ay hindi rin binigo ng kabataan mula South Cotabato, Cotabato, Sultan Kudarat, Sarangani, at General Santos. 

Nanalo ang It’s Showtime bilang Best TV Variety Show at Best Noon Show, ang Gandang Gabi Vice naman ang Best Talk Show, Maalaala Mo Kaya ang Best Drama Anthology, at ang Kapamilya Deal or No Deal ang pinarangalan bilang Best TV Game Show, kinilala rin ang Dance Kidz bilang Best Talent Search, at si Vice Ganda ang Best TV Personality.

Samantala, ibinahagi naman ng mga estudyante ng Trinity University of Asia, ang mga sumusunod na parangal: Best Talent Show (The Voice), Best Female TV Personality (Meg Imperial para sa pagganap niya sa isang episode sa Maalaala Mo Kaya), Best Male Talk Show Host (Vice Ganda), Best Female Talk Show Host (Kris Aquino), Best Film Actress (Dawn Zulueta sa The Love Affair), at Best Child Actor (James “Bimby” Yap sa Amazing Praybeyt Benjamin). 

Nanalo rin ang Kapamilya network sa Print category para sa Best Student-Oriented Magazine (Chalk, ABS-CBN Publications).

Dalawang Kapamilya stars naman ang pinarangalan ng Trinitian Citations. Ang Trinity alumni na si Bryan Termulo at Ahron Villena ay tumanggap ng Outstanding Trinitian Media Practitioner awards para sa Music at Film.