Limang opisyal ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ang nahaharap ngayon sa kasong plunder sa Office of the Ombudsman (OMB) dahil sa umano’y pakikipagkutsabahan sa mga operator ng Small Town Lottery (STL) na ikinalugi ng gobyerno ng halos P50 bilyon simula noong 2007.

Kabilang sa mga inireklamo sa Ombudsman ni Diego Magpantay, pinuno ng Citizen’s Crime Watch-Anti-Graft and Corruption Task Force, ay sina PCSO General Manager Jose Ferdinand Rojas II, Assistant General Manager Remeliza Gabuyo; at sina Board Members Franciso Manuel F. Joaquin III, Mabel V. Mamba, at Betty B. Nantes.

Sinabi ni Magpantay na hindi nila isinama si PCSO Chairman Erineo Maliksi dahil bagong talaga pa lang ito sa ahensiya.

Kasama ring inireklamo ang mga opisyal ng kumpanya na nabiyayaan ng permit ng PCSO upang mag-operate ng STL sa Nueva Ecija, Laguna, Batangas, Bulacan, Quezon at Zambales.

National

DOH, nakapagtala ng 17 firework-related injuries sa loob lamang ng 24 oras

Sa 34-pahinang reklamo, sinabi ni Magpantay na kinunsinte ng mga opisyal ng PCSO ang paggamit ng mga operator sa STL bilang front sa ilegal na sugal, kaya lumalabas na ang PCSO ang protektor ng jueteng at masiao sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas.

“The said concerned PCSO officials took undue advantage of their official position, authority or influence to enable the STL operators to unjustly enrich themselves at the expense and to the damage and prejudice of the Filipino people and the Republic of the Philippines,” ayon kay Magpantay.

Aniya, matutukoy ang partisipasyon ng limang opisyal ng PCSO sa anomalya base sa mga board resolution na inaprubahan ng mga ito upang suportahan ang operasyon ng STL, pagbalewala sa resulta ng imbestigasyon ng Commission on Audit (CoA) at National Bureau of Investigation (NBI) sa umano’y mga iregularidad sa pagre-remit ng kinita sa numbers game. (JUN RAMIREZ)